Co Ako Bicol Party-List Rep. Zaldy Co

Matatag, mas inaasahang suplay ng kuryente sa Albay tiniyak ni Rep. Co

68 Views

NAGLAAN ng P500 milyong pondo si Ako Bicol Party-List Rep. Zaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations, upang matiyak ang matatag at mas maasahang suplay ng kuryente sa lalawigan ng Albay.

Iginiit ni Rep Co ang kahalagahan ng maaasahang suplay ng kuryente sa pagpapatatag ng ekonomiya ng Albay.

Paliwanag ng mambabatas, mas maraming negosyo ang papasok sa probinsya kung walang isyu ng brownout. Ang pagpasok ng mga negosyo ay lilikha ng mga mapapasukang trabaho at magbubukas ng oportunidad sa mga taga-Albay na kumita.

Sa inilaang pondo, P300 milyon ang naibigay na sa National Electrification Administration (NEA), habang ang natitirang P200 milyon ay nakatakdang ilabas para tapusin ang rehabilitasyon ng mga linya ng kuryente, pagpapalit ng mga sirang reclosers, at pag-upgrade ng mga transformer.

Dalawang bagong power substations din ang itatayo upang mapahusay ang grid capacity ng Albay Electric Cooperative at mapabuti ang pamamahala at distribusyon ng kuryente.

Layunin ng mga bagong substation na mabawasan ang overload at mapahusay ang kabuuan ng transmission grid upang maiwasan ang brownout.