Bro. Marianito Agustin

Materyal na bagay, kapangyarihan at kasikatan ang tatlong bagay na ginagamit ng diyablo para tayo ay magkasala (Lucas 4:1-13)

87 Views

Jesus“Mula sa Jordan. Bumalik si Jesus na puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu sa ilang, sa loob ng apatnapung araw, at doon siya’y tinukso ng diyablo. Hindi siya kumain ng anoman sa buong panahong iyon, kaya’t siya’y nagutom”. (Lucas 4:1-2)

ANG SABI sa isang sermon. Kung ang Diyos daw ay kumikilos sa buhay natin ng 24/7 o dalawamput apat na oras sa loob ng pitong araw sa isang linggo. Ang demonyo daw ay kumikilos ng mas higit pa, minu-minuto, bawat oras at walang humpay.

Maging ang Panginoong Jesu-Kristo ay hindi nakaligtas sa bangis ng tukso na mababasa natin ngayon sa Mabuting Balita (Lucas 4:1-13). Nang dalhin siya ng Espiritu sa ilang para doon ay tuksuhin siya ng diyablo. Sinusubukan ng demonyo si Jesus at tinitignan kung siya ba ay bibigay o kaya’y susuko sa kaniyang mga panunukso at pang-aakit.

Sa loob ng apatnapung araw. Walang kinakain si Jesus kaya’t siya nagugutom. Malinaw na walang laman ang kaniyang tiyan (siyempre). Ang ibig sabihin nanghihina ang kaniyang katawan pero hindi ang kaniyang kaluluwa at Espiritu. Mahina ang katawan. Pero hindi ibig sabihin na madali siyang susuko o bibigay sa panunukso at magkasala.

May mga pagkakataon din aa buhay natin na kapag tayo ay nanghihina, spiritially and morally. Duon pumapasok ang diyablo – duon pumapasok ang kasalanan. Ito ang tamang tiyempo ng demonyo at sinasamantala ang ating kahinaan para tayo ay sumuko at bumigay Nasa sa atin na lamang kung tayo ba ay madaling bibigay o magiging matatag tayo kagaya ng ating Panginoong Jesus.

Ang unang ginamit na pamamaraan ng diyablo sa kaniyang panunukso kay Jesus ay ang mga tinapay (Lucas 4:3-4) na naglalarawan sa mga materyal na bagay gaya ng kayamanan, luho, salapit at kung ano-ano pa. Pero sinagot siya ni Kristo na ang tao’y hindi lamang sa tinapay nabubuhay. Kundi sa bawa’t salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.

Minsan sa ating buhay, ang akala natin na ang nagpapa-ikot sa mundo ay ang salapi, materyal na bagay, kapangyarihan at kasikatan. Kaya may ilan sa atin ang masyadong nagkukumahog para lamang magkaroon ng mga bagay na mayroon dito sa ibabaw ng mundo gaya ng magarang bahay, magandang sasakyan, maayos na damit at maraming pera. Hindi naman kasalanan ang magkaroon ng mga bagay na ito. Nagkakaroon lamang ng kasalanan kung pumapasok na sa atin ang “kasakiman” o ang pagiging ganid para lamang matamo ang mga bagay na ito.

Hindi kasalanan ang pagiging isang mayaman. Ang kasalanan ay yung mayaman ka pero hindi ka marunong magbahagi ng iyong yaman duon sa mga taong hindi kasing-yaman mo. Sa madaling salita. Yung mga taong naghihirap sa buhay.

Minsan din dahil sa kagustuhan nating mas lalo pang dumami ang ating kayamanan. Nakakalimutan na natin ang mas mahahalagang bagay. Ito ay ang ating sarili. Napapabayaan na natin ang ating kalusugan dahil halos hindi na tayo nagpapa-hinga sa kakatrabaho. Napabayaan narin natin ang ating pamilya, hindi na tayo nakakapag-bonding sa ating asawa at mga anak. Kailan ba natin sila huling naka-usap at naipasyal man lang? Wala na tayong time sa kanila kasi subsob tayo sa kaka-trabaho para kumita ng pera.

At higit sa lahat. Dahil puro pera ang ating priority. Nakakalimutan na natun si Lord. Kailan ba tayo huling nagdasal at nagsimba? Ginagamit ng diyablo ang tukso ng materyal na bagay para masira ang ating relasyon sa ating pamilya at lalong lalo na sa Diyos.

Sa madaling salita, sinisilaw tayo ng demonyo sa kinang ng salapi, materal, kapangyarihan at kasikatan para tayo ay mahulog sa kasalanan. Ang mga bagay na sobra natin pinag-trabahuhan ay hindi narin natin mapapakinabangan duon sa Kaharian ng Diyos pagdating ng araw. Ang mahalaga dito sa ibabaw ng mundo ay ang relasyon natin sa ating pamilya at sa Diyos.

ANG TUKSO NG KAPANGYARIHAN:

Lucas: 4:6-8 – Minsan din may mga tao ang masyadong nalalasing sa kapangyarihan. Ang akala nila ay “forever” ang pag-upo nila sa trono at hindi na sila maaalis o matatanggal. Ang malupit pa nga nito, dahil sa kapangyarihan o power na “IPINAGKATIWALA” lamang sa kanila. Ang tingin nila sa kanilang sarili ay diyos. Kung umasta sila ay para sila ang panginoon.

Ang pakiramdam nila. Ang lahat ng tao ay yuyuko at luluhod sa kanilang harapan. Kaya hindi nakakapagtaka na yung isang lider ay pinagmumura ang totoo at tunay na Diyos. Hindi ba’t namutawi sa kaniyang bibig ang mga katagang “Who is this stupid God”. Meron pa. ” Put___g_na” talaga itong Diyos na ito. Sa halip na pagsabihan siya ng kaniyang mga taga-sunod. Hindi ba’t nagtatawanan at nagpapalakpakan pa sila.

Dahil ang pakiramdam ng taong ito na siya ay diyos o isang poon. Hinamon niya ang Panginoong Diyos. Kaya ano ang sabi ni Jesus sa diyablo? “Nasusulat. Ang Panginoong Diyos ang dapat mong sambahin at siya lamang ang dapat mong paglingkuran” (Lucas 4:8). Umakyat sa kaniyang ulo ang kaniyang kapangyarihan o power na ang buong akala niya ay wala ng katapusan ang tugatog o rurok na kaniyang kinalalagyan.

Ang puwesto na kasalukuyang kinalalagyan natin ay pansamantala lamang. Hindi tayo magtatagal diyan at darating ang araw na bababa din tayo kahit gaano pa iyan kataas. Sapagkat iyan ay ipinahiram at “IPINAGKATIWALA LAMANG SA ATIN NG TUNAY NA DIYOS”. Kaya ang aral dito: ” Matuto tayong magpakumbaba at higit sa lahat, magpasalamat sa Diyos dahil tayo ay kaniyang “PINAGKATIWALAAN”.

ANG TUKSO NG KAYABANGAN (feeling sikat):

Lucas 4:9-12 – Huwag natin “HAMUNIN” ang Panginoong Diyos dahil tao lang tayo. Huwag natin ipagmalaki na dahil sikat na sikat tayo ngayon eh’ hindi na tayo malalaos. Kahit gaano pa karami ang ating “trolls” at kahit gaano pa karami ang ating kayamanan o super sikat tayo. Kapag kinastigo tayo ng totoong Diyos. Siguradong-sigurado na dadapa at luluhod tayo. Hindi tayo kailanman magwawagi sa tunay na Diyos.

Wala pang tao sa kasaysayan ang nagtagumpay sa kaniyang paghahamon sa Diyos. Sapagkat kahit pa gaano kataas ang kinalalagyan mo, kapag ikaw ay ibinagsak ng Diyos na hinahamon mo.

Siguradong malakas ang pagbagsak mo. Para kang tumalon pababa mula sa 100 floor.

Sa kasaysayan ng ating mundo. Walong sikat na tao ang humamon din sa kapangyarihan ng Panginoon subalit sa kalaunan ay kinastigo sila ng ating Diyos. Ito ay sina John Lennon, Marilyn Monroe, ang Brazilian Singer at Composer na si Cazuza, Tancredo Neves ng Brazil, ang rock bond vocalist ng ACDC na si Bonn Scott, ang German Philosopher na si Friedrich Nietzche, Jamaican Journalist na si Christine Hewitt at sikat na Arkitekto ng RMS Titanic na si Thomas Andrews.

Ang aral sa lahat ng ito ay HUMILITY. Pagpapakumbaba. Maspasalamat tayo sa mga blessings na binibigay sa atin ng Diyos gaya ng mga materyal na bagay subalit sikapin natin na huwag masilaw sa mga ito, magpasalamat din tayo sa kapangyarihang ipinagkatiwala sa atin at ipanalangin na manatiling nakasayad ang ating mga paa sa lupa kahit gaano pa kataas ang ating katungkulan. Hingin natin sa Diyos ang kaniyang gabay para mapaglabanan natin ang tukso ng diyablo at maging matatag sa ating pananampalataya.

Huwag tayong maging ganid sa materyal na bagay dahil hindi natin iyan madadala, huwag tayong malasing sa kapangyarihan sapagkat darating ang panahon na bababa din tayo sa ating kinalalagyan at huwag tayong maging mayabang o feeling sikat na parang hindi natin kailangan ang Diyos dahil darating ang panahon na malalaos din tayo.

AMEN.