Defensor

Matibag haharap sa susunod na pagdinig ng impeachment

Mar Rodriguez Jul 16, 2026
24 Views

NAKATAKDANG humarap sa susunod na linggo si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag bilang huling testigo ng House prosecution panel kaugnay sa
Article IV. matapos kasuhan si Vice President Sara Duterte ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust at high crimes.

Sinabi ng prosekusyon na ang nasabing kaso ay patungkol sa naging pahayag ng Bise Presidente noong Nobyembre 23, 2024, kung saan sinabi nitong inutusan niya umano ang isang tao na patayin sina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at noo’y House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sakaling siya mismo ay mapatay.

Ayon sa prosekusyon, sapat na ang mga ebidensyang naiharap laban kay Duterte upang mapatunayan ang kanilang kaso at wala nang dahilan upang magharap pa ng mga paulit-ulit na testimonya.

Nauna nang inalis ng prosekusyon ang anim na testigo mula sa kanilang listahan bukod pa kina dating chief of staff Atty. Zuleika Lopez at House Legislative Security Bureau Executive (LSB) Director Capt. Belinda Bello dahil sinabi nilang hindi na kinakailangan ang kanilang mga testimonya.

Nang tanungin kung bakit sila mismo ang nagbawas ng mga testigong una nilang inihanda. Sinabi ni House prosecutor at Iloilo 3rd District Rep. Lorenz Defensor na natupad na ng kanilang mga naiharap na ebidensya ang layunin ng prosekusyon.

“Dahil sa ngayon, kumpleto na at hindi na namin kailangang dagdagan pa. It’s unnecessary, it’s redundant, at ayaw din naming sabihin ng mga tao, paulit-ulit na lang,” ayon kay Defensor.

“Mahirap nang magsawa ang mga tao at mawala ang kanilang attention kung nakuha na natin ang lahat nating dapat makuha,” dagdag pa ni Defensor.

Inihalintulad ni Defensor ang paglalatag ng ebidensya sa isang pagkaing hindi na kailangang dagdagan pa ng pampalasa.

“Tama na ang timpla. Kung dadagdagan mo pa ang rekado, baka mag-iba pa ‘yung lasa. So titigil na kami,” sabi pa nito.