Calendar
![NBI2](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/NBI2.jpg)
Matibay na ebidensya posibleng hawak ng NBI kaya inirekomendang kasuhan si VP Sara
MAAARI umanong mayroong hawak na matibay na ebidensya ang National Bureau of Investigation (NBI) kaya inirekomenda nito na kasuhan si Vice President Sara Duterte ng grave threats at inciting to sedition hinggil sa pagbanta nito na ipapatay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kapag siya ay namatay.
Ipinunto ni Manila Rep. Ernix Dionisio na dumaan sa mahigpit na proseso ng NBI bago napagtibay ang rekomendasyon na kasuhan si Duterte sa ginawa nitong pagbabanta kina Pangulong Marcos, Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
“Ang NBI, presumption of regularity natin is ang agency natin, National Bureau of Investigation (NBI), they would really dig deeper eh. Hindi sila ‘yung tipong magsasampa-sampa ng kaso without having anything tangible eh,” saad nito.
Iginiit pa ni Dionisio na hindi irerekomenda ng NBI ang pagsasampa ng kaso kung wala itong matibay na ebidensya laban sa Bise Presidente.
“So ang presumption natin that NBI before filing, inaral nilang maigi, nag-imbestiga sila at although hindi pa natin alam kung ano specifically yung hawak nilang mga evidence, I would assume na mabibigat yung hawak nilang evidence for NBI itself to file such cases,” dagdag pa ng mambabatas.
Nang tanungin tungkol sa uri ng ebidensya, sinabi ni Dionisio na maaaring natukoy na ng mga imbestigador ang mga indibidwal na sangkot sa umano’y balak na pagpaslang.
“That could be a possibility. Isa sa mga possible. Pero of course we cannot say until such time NBI divulges ‘yung mga nakalap nilang information,” giit pa nito.
Binigyang-tuon naman ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang bigat ng mga alegasyon, lalo na ang pagbabanta sa buhay ng mga matataas na opisyal ng bansa.
“Para sa akin kasi, personal take on this. Pinakamabigat po talaga sa akin ‘yung active threat na ‘yun. The threat to kill the President, the First Lady, the Speaker, para sa akin napakabigat nun. Bad po ‘yun eh,” giit pa nito.
Minaliit naman ni Vice President Duterte ang rekomendasyon ng NBI at sinabing ang hakbang ay kaniya ng inaasahan.
Sinabi naman ni Ortega na inaasahan na rin niya ang pagtanggi at reaksyon ni Duterte. “Nag-comment na ako actually yesterday (Wednesday). May video ako, pero sabi ko nga, expected ‘yun,” wika pa nito.
Muli naman niyang kinondena ang mga umano’y pagbabanta, “Kasi sabi ko nga, ide-death threat mo ‘yung Pangulo, First Lady at saka Speaker, sabi ko nga, bad ‘yun. Dapat ‘di ginagawa ng tao ‘yun. Masama ‘yun.”
Muling ipinahayag ni Dionisio ang kanyang tiwala sa proseso ng NBI, na binigyang-diin na hindi ito magrerekomenda ng mga kaso nang walang masusing imbestigasyon.
“Again ako kasi ang stand ko lagi ang NBI kasi agency natin talagang if you go to the bottom of things, I’m sure meron silang nangalap talagang evidence,” saad pa nito.
Hinikayat niya ang publiko na hayaan umusad ang proseso ng batas.
“So if there is enough grounds or evidence para mag-file sila, hindi po gagawin basta ng NBI in my humble opinion. So I think talagang meron at wait and see tayo kung how things will proceed.
Let the process proceed sir,” dagdag pa ni Dionisio.
Ang rekomendasyon ng NBI ay naipasa na sa Department of Justice, na siyang magpapasya kung itutuloy ang pormal na pagsasampa ng kaso.
Ang pag-usad ng kaso ay makadaragdag sa mga kinakaharap na problema ni Duterte na kamakailan ay inimpeach ng Kamara de Representantes.