PCAP

Matira ang matibay sa PCAP

Ed Andaya May 21, 2024
174 Views
Mga laro sa  Wednesday:
North — No. 1. San Juan Predators vs  No. 3 Manila Load Manna Knights.
South — No. 1 Camarines Eagles vs. No. 2 Toledo Trojans
MATIRA ang matibay.
Nakatakdang magtuos ang two-time champion San Juan Predators at Manila Load Manna Knights at Camarines Eagles at Toledo Trojans para sa kampeonato ng Northern at Southern Conferences ng Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) All-Filipino tournament.
Ang apat na pangunahing teams ang natitira mula sa 18 teams na unang sumabak sa aksyon sa prestihiyosong kumpetisyon, na itinataguyod ng San  Miguel Corporation, Ayala Land at PCWorx.
Pinabagsak ng San Juan ang Cavite Spartans,12-9 at 11.5-9.5, habang  pinayuko ng Manila ang multi-titled  Pasig Pirates, 13,5-7.5 at 14-7, upang itakda ang kapana-panabik na title showdown sa Northern Conference.
Samantala, naungusan ng Camarines ang Surigao Fianchetto Checkmates, 12.5-8.5, at  9-12, (2-1 Armageddon), habang winalis ng Toledo ang Davao Eagles, 14-5.6-5 at 14.5-6.5, para sa kanilang final match sa Southern Conference.
Sa apat na teams, tanging ang  Predators ang may malawak na  championship experience.
Sumandal ang San Juan sa mahusay na paglalaro nina GM Rogelio Barcenilla, Jr., na  nanalo laban kina Michael Concio at Joel Banawa, Jr., 3-0;  Karl Victor Ochoa, na nagwagi kina Concio at
Kevin Arquero, 2.5-.5;  IM Ricardo de Guzman, na nakalusot kay GM Rogelio Antonio, Jr., 2-1;  at Narquinden Reyes, na namayani kina  Renie Malupa at Alexis Maribao, 3-0 para sa panalo  laban sa Cavite sa first set.
Tanging si Kylen Mordido ang nanalo  para sa Cavite matapos gulatin si WIM Jan  Jodilyn Fronda, 3-0, sa  female board.
Sa second set, muling nanalo si Ochoa  para sa San Juan  matapos itumba sina  Concio at Banawa.
Nakabawi naman si Fronda laban kay Mordido, 2-1, at binigo ni Narquingel Reyes sina Roel Abelgas at Maribao, 2-1, para makumpleto ng  San Juan ang kanilang  two-set triumph.
Nagpakitang gilas naman ang Manila  sa pamamagitan nina IM Jan Emmanuel Garcia, na nanaig kina Nelson Mariano at Jerome Villanueva, 3-0; IM Chito Garma, na binigo si IM Cris Ramayrat, 3-0; at David  Elorta, na pinasadsad sina Villanueva at Eric Labog, 2.5-.5, upang gulatin ang  Pasig sa kanilang unang sagupaan.
Hindi na binigyan pa ng Load Manna Knights ng pagkakataon ang Pirates sa second set, na kung saan pinatahimik  ni IM Paulo Bersamina si  GM Mark Paragua, 3-0;  itinumba ni GM Julio Catalino Sadorra si Mariano. 2-1; tinalo uli ni Garma si Ramayrat, 2-1, at  pinasadsad  ni Elorta sina  Eric at Kevin Labog, 2.5-.5.
Naging makapigil-hininga din ang mga naging sagupaan sa Southern Conference.
Tabla ang naging enkuwentro ng  Camarines at Surigao sa unang dalawang  matches ng kanilang semifiinal duel,  na  kung saan nanalo ang Eagles, 12.5-8.5, sa first set at nakalusot ang Fianchetto Checkmates, 12-9, sa second set.
Tinapos ng Camarines ang anumang pag-asa ng Surigao matapos ang 2-1 decision sa Armangeddon.
Pinangunahan nina Bernadette Galas, Barlo Nadera at Ronald Llavanes ang kampanya ng Camarines sa  first set,  habang namuno sina Junmark Baldesimo at Rhenz Auza para sa Surigao sa second set.
Nag-tabla sina GM Darwin Laylo at  IM Rolando Nolte, 1.5-1.5, sa board one match.
Sa isa pang semis match, ipinamalas ng Toledo  ang kanilang galing matapos ang  14.5-6.5 at  14.5-6.5  panalo sa dalawang
sets.
Para sa Trojans ni Atty. Jeah Gacang ,  hindi napigil sina Joel Pimentel, Samson Lin at Cherry Ann Mejia,  na namayani sa unang three boards.
Tinalo ni Pimentel si Jonathan Tan, 3-0; wagi si Lim kontra  Arnel Aton, 3-0; at  nagpasikat si Mejia laban kay Karen Enriquez, 2-1.
Sa second set, panalo din sina Lim, Mejia, IM Angelo Young at Diego Caperino   ng  Toledo laban sa kanilng mga katunggali mula sa Davao.
Ang PCAP,  ang una at nag-iisang  professional chess league sa buong bansa, ay pinamumunuan nina President- Commissioner Atty. Paul Elauria  at Chairman  Michael Angelo Chua ng  San Juan Predators.
Ang premyadong kumpetisyon ay pinapatnubayan ng  Games and Amusements Board (GAB), sa pangunguna ni  Chairman Atty. Richard Clarin.