LTO

May ari ng 6 sports car sa viral na karera pinadalhan ng SCO

Jun I Legaspi Jul 9, 2025
424 Views

SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na habulin ang mga pasaway na motorista, isinailalim na ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, sa alarm ang anim na sports car na nakita sa viral video ng karerahan sa pampublikong kalsada sa Tagaytay City.

Ayon kay LTO acting chief Atty. Greg Pua Jr., isinasagawa na ng ahensya ang pagkakakilanlan sa mga driver na sangkot sa naturang insidente na aniya’y labis na nakapanganib sa kaligtasan ng ibang gumagamit ng kalsada.

Ang proseso ng pagkakakilanlan ay sinimulan sa pamamagitan ng pagpapadala ng Show Cause Orders (SCO) sa mga rehistradong may-ari ng anim na sports car—dalawang Mazda MX-5, isang Ford Mustang, isang Nissan Z, isang Chevrolet Camaro, at isang BMW M4.

“Nai-issue na ang SCO sa kanila. At bahagi ng prosesong ito ay ang pag-obliga sa kanila na tukuyin at isama ang mga driver ng mga naturang sasakyan. Maaring yung registered owner ang mga yun, o ibang mga driver. At wala silang kawala dito dahil may video,” ani Pua.

“Maling-mali ang ginawa ng mga taong ito dahil may tamang lugar sa mga ganung gawain. Ipinagawa ng pamahalaan ang mga kalsada para sa comfort of mobility ng mga tao, at hindi para sa mga pasaway na gaya ng mga driver na ito sa viral video,” dagdag pa niya.

Sa SCO na nilagdaan ni LTO Intelligence and Investigation Division chief Renante Melitante, pinagsusumite ang mga rehistradong may-ari ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi sila dapat papanagutin sa kasong reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle.

Kapag natukoy na kung sino ang aktuwal na nagmaneho ng bawat sasakyan, agad na ipatutupad ang 90-araw na suspensyon sa kanilang lisensya, ayon kay Melitante.

Dagdag pa ni Pua, pinayuhan din ang mga may-ari na dalhin ang kanilang mga kopya ng rehistro at iba pang dokumento kaugnay ng mga sports car para sa pagsusuri at beripikasyon.

“Magsilbi nawa itong babala na hindi namin palalampasin ang ganitong asal sa kalsada—naka-sports car ka man, motorsiklo, o tricycle. Umayos tayo sa daan, yun ang gawin natin araw-araw para wala kayong problema sa LTO,” said Pua.