May boga na, nanakot pa, arestado

26 Views

KULONG ang napala ng 20-anyos na lalaki matapos mag-amok habang may bitbit na sumpak sa Novaliches, Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Acting Director P/Col. Melecio Buslig Jr. ang suspek na si alyas Candelaria.

Naghahasik umano ng tensiyon sa mga residente ang suspek habang nagwa-wasiwas ng improvised shotgun sa Abe Road, Brgy. Bagbag, Novaliches kaya inaresto.

Nilapitan ng mga pulis ang suspek upang pakalmahin at isuko ang hawak na baril pero nanlaban pa at nagtangkang tumakas pero naaresto pa rin.

Narekober sa suspek ang isang sumpak at dalawang 12-gauge live ammunition.

Kakasuhan ang suspek ng mga paglabag sa Article 155 ng RPC (Alarms and Scandals), Article 151 ng RPC (Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agents of such Person), RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at BP 881 (Omnibus Election Code) kaugnay ng COMELEC Resolution No. 10728.