Marlon Purificacion

May bookies na ng E-Sabong

344 Views

ITO na ang sinasabi ko.

KAHIT anong gawin ng pamahalaan na ipagbawal ang anumang uri ng pasugalan, gagawa at gagawa ng paraan ang ilang sindikato para maipagpatuloy ito sa illegal na paraan.

Nangyari na ito sa dating Jai-alai.

Ginagawa rin ito sa karera ng kabayo kung saan sa halip ipasok ang mga nakokolektang taya sa mga ‘authorized betting stations,’ ay bino-bookies pa rin ito.

Kahit sa lotto ay ginagawa ito. Kaya nga may tinatawag na lotteng. Ito iyong tinatayang numero sa lotto na ala-jueteng ang sistema at siyempre sa bookies na paraan.

Sa mga nagtatanong kung ano ang ibig sabihin ng bookies, ito po iyong isang paraan ng pagtaya kung saan ay ang bawat kubrador ay hindi nag-i-entrega sa mga awtorisadong tayaan ng pamahalaan.

At sa halip, ini-engreso nila ang mga nakukulektang taya sa isang sindikato na pinapamahalaan ng isang ‘gambling lord.’

Kamakailan, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpasara sa online sabong dahil sa pagkawala ng 34 sabungero na dinukot sa magkakahiwalay na lugar.

Panyonyope (pandaraya base sa lengwahe ng mananabong) daw ang dahilan kaya sila dinukot. Huwag sanang magkatotoo ang sabi-sabi na malamang ay patay na sila dahil masakit ito para sa kani-kanilang pamilya.

Kung titingnang mabuti, maigi na rin na ipahinto ang e sabong kasi wala naman talagang maidudulot na maganda ang anumang uri ng sugal sa pagkatao at kabuhayan ng isang pamilyang nalululong sa bisyong ganito.

Higit lalo ay may 34 buhay na ang hinahanap pa hanggang ngayon.

Diumano, kaya dinukot ang 34 sabungero ay upang bigyan sila ng leksiyon at hindi na pamarisan ng ibang mananabong na pinagbibintangang nandaraya sa talpakan.

Pero hindi rin dahilan ito para may magbuwis ng buhay.

Ayon sa Malakanyang, aabot sa P640 million ang nawawala sa kaban ng bayan simula nang ipatigil ang online sabong. Malaking bagay ito lalo’t alam nating dapa ang ekonomiya ng bansa bunsod ng pananalanta ng pandemya.

Ang naturang halaga ay gamit na sana sa ating Universal Health Care.

Kung ako ang tatanungin, hindi tayo tutol sa online sabong.

Totoong maraming buhay at pamilya ang nasira ng naturang sugalan. Kaso kung nanamnamin natin ang isyu ng mga may problema sa bisyo ng sugal, marami na rin sa atin ang lulong sa iba pang uri ng gambling.

Nariyan ang casino, small town lottery, horse racing, kahit na tong-its, ending, mahjong o kara-kruz.

Nasa tao na iyan kung paano sila magiging disiplinado sa kanilang sarili, ngunit tungkulin din ng estado na sila’y iiwas sa anumang masamang bisyo – kasama na ang sugal.

Ang dapat gawin ng papasok na Marcos administration ay i-regulate ito.

Bawasan ang oras ng pagpapataya sa talpakan at tiyakin na hindi makakataya ang mga menor de edad.

Kung kinakailangan taasan pa ang buwis ay gawin ng pamahalaan.

Dahil sa totoo lang, kahit po sarado ang e-sabong ay may gumagawa pa rin nito ngayon at bino-bookies na ito ng sindikato.

Dapat hanggat bawal ang online sabong, huwag na rin payagan ang lahat ng sabungan na maglagay ng kani-kanilang camera dahil dito napapanood ang sabong kaya matagumpay ang pagpapa-bookies sa taya nito.

Tama ang ginagawa ng PNP at NBI na imonitor ang lahat ng website na nagpapalaro, pero nasisiguro kong mapapalusutan pa rin sila ng mga tusong sindikato.

Sana lang, kaysa masayang ang perang kinikita ng pamahalaan ay maayos agad ang problemang ito.

Mas gusto ko kasing mapakinabangan na lang ito ng pamahalaan sa pagpataw ng tamang buwis, kaysa magkaroon na naman tayo ng karagdagan pang tax sa hinaharap.

Ang masaklap pa, hindi na sa Pilipinas may e-sabong ngayon kundi mayroon na rin sa ilang bansa sa Asya at ang perang kinikita rito ay tiyak na hindi na mapapakinabangan ng ating pamahalaan.

Ang masaklap, sa mga kababayan natin kinukuha ang mga taya, pero wala kahit singkong napapakinabangan ang pamahalaan para buwisan ito dahil sa abroad na ang sentro ng e-sabong.