Paltik

May dalang paltik, inaresto

Edd Reyes May 12, 2025
15 Views

HULI sa aktong may dalang paltik na baril ang 23-anyos na lalaki noong Linggo sa Caloocan City.

Nagulat si alyas Buyboy ng sumulpot ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) director P/BGen. Josefino Ligan mula sa kanyang likuran kaya isinuko niya ang kanyang pen gun na kargado ng bala ng cal .45.

Ayon kay P/Capt. Marcelina Pino, hepe ng Public Information Office (PIO) ng NPD, nagtitiktik ang mga operatiba ng Caloocan police sa isinumbong sa kanilang pamimili ng boto sa Torcillo St., Brgy. 28, Caloocan, nang mamataan ang suspek habang bitbit ang paltik na baril dakong alas-11:40 ng gabi.

Bumaba sa service vehicle ang mga pulis at nilapitan si alyas Buyboy na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Nakatakdang ipresinta para sa inquest proceeding sa Caloocan City Prosecutor’ Office ang suspek para sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa Omnibus Election Code.