Calendar
May kakayahan ba ang China na pabagsakin ang power grid ng Pilipinas? — Rep. Barbers
IKINABAHALA ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang panganib na kinakaharap ng Pilipinas kung nasa kontrol ng China ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang nag-iisang transmission company sa bansa.
Ipinunto rin ni Barbers ang implikasyon ng paghawak ng mga Chinese ng matataas na posisyon sa NGCP na gumagawa ng mga desisyon, lalo na at mahalaga ang kuryente sa pagpapanatili ng seguridad ng bansa.
“Totoo ba na kapag halimbawa nagkaroon tayo ng alitan sa ating kapitbahay na China, eh isang pindot lang ba nila mawawala na ang power sa atin? That needs to be answered. The Filipino people must be informed,” pag-uusisa ni Barbers sa ginanap na pagdinig kamakailan ng Committee on legislative franchises.
Sinabi naman ng kinatawan ng NGCP na si Atty. Lally Mallari na “physically secured” ang control center ng NGCP.
“Mr. Chair, nandoon ako sa likod ng kausap mo si aming Mr. Clark Agustin. ‘Yung scenario na kasi nabigay sa kanya is si terorista nasa kuwarto na. But… bago siguro nakarating si terorista doon, kasi po ‘yung control center namin are physically secured,” ayon kay Mallari.
“And in so far as ‘yung mga tao na mag-on at mag-off ng mga equipment, there are switching procedures which includes validation between control and substation. So sa hypothetical scenario, it appears hypothetically, it can be done. Pero sa tunay na buhay, Mr. Chair, may kalabuan,” paliwanag pa nito.
Hindi naman kumbinsido si Barbers sa paliwanag ng opisyal, lalo’t aniya’y sensitibo ang ganitong uri ng sitwasyon para sa bansa at higit pang ikinababahala dahil ang tinatawag na working group ay pinamumunuan din ng mga Chinese national na sina Yuan Minjun at Chen Changwei.
“Kanina ho kasi na-raise na po ito ni Congressman Suarez. And when he raised this issue of Chinese nationals being involved in the decision-making of the NGCP, did not just raise eyebrows, so to speak, but also ito ay isang national security vulnerability sa tingin ko,” giit ni Barbers.
Itinanggi naman ni Mallari na may nalalaman siya sa nasabing working group.
“Hindi po ako familiar sa working group na iyon,” giit pa nito at sinabing ang mga desisyon ay ginagawa ng departamento sa loob ng NGCP.
Nananatili ang pagdududa ni Barbers at hinikayat ang mga kinatawan ng NGCP na magsumite ng mga dokumento bilang ebidensya ng kanilang mga pahayag.
Muling iginiit ni Barbers na dapat pagtuunan ng pansin ng NGCP ang malinaw na pamamahala nito at operational transparency.
“You wouldn’t sleep with the enemy. Bakit natin ibinibigay ang kontrol ng ating power grid sa isang dayuhang kumpanya na malinaw na may kaugnayan sa gobyerno ng China?” saad pa ng mambabatas, at iginiit na hindi dapat makompromiso ang pambansang seguridad.