Anchit Masangcay

May kulang sa sinibak na BOC officials sa Subic?

Anchit Masangcay Aug 25, 2022
212 Views

ANIM na opisyales ng Bureau of Customs (BoC) mula sa Port of Subic ang sinibak sa puwesto matapos mabisto ang tangkang pag-smugle ng asukal sa naturang pantalan kamakailan.

Sa Office Order na may petsang August 22, sinibak ni Acting BoC Commissioner Yogi Filemon Ruiz ang anim na Port of Subic officials.

Sila ay sina Maritess Theodossis Martin, district collector; Maita Sering Acevedo, deputy collector for assessment; Giovanni Ferdinand Aguillon Leynes, deputy collector for operations; Belinda Fernando Lim, chief of assessment division; Vincent Mark Solamin Malasmas, Enforcement Security Service (ESS) commander; at Justice Roman Silvoza Geli, CIIS supervisor.

Sinabi sa kautusan na ang mga nabanggit na opisyal ay itatalaga muna sa ‘ Office of the Commissioner’ habang isinasagawa pa ang imbestigasyon hinggil sa napaulat na smuggling.

Ito’y upang bigyang-daan ang pagsisiyasat sa operasyong isinagawa noong August 18 sa pantalan ng Subic kung saan ay 140,000 bags o kabuuang 7,000 metro tonelada ng imported sugar ang nasamsam ng mga awtoridad.

Ang mga bultu-bultong asukal ay mula sa bansang Thailand.

Sa inisyal na imbestigasyon ng BoC-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), may mga indikasyon na tinangkang palusutan ang pamahalaan, gamit ang “recycled permit” na ang ibig sabihin ay ang ipinakitang dokumento para sa kargamentong ito ay nagamit na noon pang nakaraang transaksiyon.

Nauna nang sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na maraming ulo ang gugulong mula sa BOC, lalo na’t kung may makitang ebidensiya na kakuntsaba ang mga ito para palabasing legit o legal ang mga ‘recycled sugar import permits.’

Sakay ang mga kargamento ng cargo vessel MV Bangpakaew nang dumaong sa pantalan ng Subic. Sa bilang na 7,021 metric tons, 140,000 bags nito ay ‘white refined sugar’  na may katumbas na ‘tax payment’ na P45,623,007.51.

Ang consignee ng mga naturang kontrabando ay nakapangalan sa Oro-Agritrade Inc. sa ilalim ng account ng ARC Refreshments Corp, may Entry Nos. C-12513 and C-12521.

Ang Thai exporter ay nakapangalan naman sa Ruamkamlarp Export Co. Ltd,. Habang ang local customs broker ay kinilalang si Malou Leynes Buerano

Iniulat ng  BoC-CIIS reported na ang cargo ay covered ng “Special Permit to Discharge (SPD) and Verified Single Administrative Document (SAD)” mula sa BoC  at may verified clearance mula sa SRA sa pamamagitan naman ng isang nagngangalang Mr. Rondell Manjarres.

Sa pangyayaring ito, marami tayong natanggap na papuri mula sa publiko.

Sinasabing nasa tamang direksiyon ang pamahalaang Marcos upang puksain ang malalang ‘smuggling activities’ sa pantalan.

Kaya lang, may ilan kaibigan din tayong nagsabi sa atin na kulang daw ang anim na sinibak.

Bakit daw hindi isinama ang isang nagngangalang Atty. Willie B. Sarmiento na chief of staff sa Port of Subic?

Maganda raw kasi na kasama rin itong mag-report pansamantala sa Office of the Commissioner sa Maynila araw-araw upang maalis ang agam-agam na magkakaroon ng ‘whitewash’ sa imbestigasyon.

Bakit nga kaya hindi kasama si Atty. Sarmiento sa sinibak, Acting Customs Commissioner Yogi Ruiz, Sir?