Calendar
May lamat na ang tambalang Robredo-Pangilinan
TALAGANG may lamat na ang tambalan nina Leni Robredo at Francis Pangilinan, mga kandidatong “pinklawan” para sa pagkapangulo at pagkapangalawang pangulo sa halalan sa Mayo 2022.
Ilang mga kilalang kakampi ni Robredo sa pulitika ay nangangakampya na ngayon para kay Robredo, ngunit hindi para kay Pangilinan.
Simula pa ng kampanya nitong taong 2022, dalawang kongresista na ang nagpapahayag na suportado nila si Robredo, ngunit ayaw nila kay Pangilinan. Imbis na si Pangilinan, si Inday Sara Duterte ang kanilang kandidato para sa pagka-bise presidente.
Si Sara Duterte ay anak ni Pangulong Rodrigo Duterte. Tumatakbo si Sara bilang bise presidente sa panig ni dating Senador Bongbong Marcos, na siya namang tumatakbo bilang pangulo.
Ayon kina Joey Salceda, kongresista ng Albay, at Rufus Rodriguez, kongresista ng Cagayan de Oro City, hindi sila nagtitiwala kay Pangilinan bilang kandidato. Sabi ni Salceda at Rodriguez, si Sara ang tamang kandidato para sa pagka-bise presidente dahil bukod sa magaling ito magpatakbo ng pamahalaan, walang bahid ng katiwalian si Sara.
Pinatawag-pansin nila Salceda at Rodriguez ang matagumpay na pangangasiwa ni Sara bilang punong-lungsod o alkalde ng Davao City. Sapagkat matiwasay ang uri ng buhay sa Davao City sa liderato ni Sara, naniniwala sina Salceda at Rodriguez na si Sara, at hindi si Pangilinan, ang dapat ihalal ng taong-bayan bilang bise presidente sa darating na halalan.
Ang pagtakwil nina Salceda at Rodriguez kay Pangilinan ay isang patotoo na may lamat na ang tambalang Robredo-Pangilinan. Sina Salceda at Rodriguez ay mga batikang pulitiko. Alam nila na hindi makabubuti si Pangilinan na magtagumpay sa halalan.
Maraming nakakapansin na madalas umanong ‘magsinungaling’ sa taong-bayan si Pangilinan.
Sa halalan sa Senado nuong Mayo 2019, si Pangilinan ang punong tagapagkampanya o “campaign manager” ng Otso Diretso, ang ticket ng lapiang Liberal Party ni dating Pangulong Noynoy Aquino. Sa umpisa pa ng kampanya, ipinahayag ni Pangilinan sa dyaryo at TV tiyak na mananalo ang lahat ng 8 kandidato ng Otso Diretso dahil galit daw ang mga mamamayang Pilipino kay Pangulong Duterte.
Ano ang nangyari? Yung otsong kandidato ng Otso Diretso ni Pangilinan, diretso sa kangkungan. Bugbog sarado. Talo. Itinakwil ng mga botante.
Matapos matalo ang Otso Diretso, na-interview si Pangilinan sa dyaryo at TV. Ayon kay Pangilinan, hindi daw niya ikinagulat ang pagkalampaso sa Otso Diretso sa nasabing halalan. Sabi ni Pangilinan, hindi naman daw tumakbo upang manalo ang Otso Diretso. Tumakbo daw ang walo upang bigyan lang ng mapapagpilian ang mga botante. Talaga, ha?
Kung kaya ni Pangilinan ‘magsinungaling’ sa taong-bayan nuong 2019, malamang na ‘magsisinungaling’ din siya ngayong halalan. Layunin ni Pangilinan ang mailuklok niya ang kanyang sarili sa kapangyarihan.
Di tulad ni Pangilinan, hindi nagsisinungaling sa taong bayan si Sara Duterte. Wala pang insidente na masasabing nagsinungaling sa madla si Sara.
Kaya naman ayaw ng mga kakampi ni Robredo, tulad nina Salceda at Rodriguez, kay Pangilinan.
Itinanggi naman ni Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, na may alitan sina Robredo at Pangilinan.
Kahit walang alitan sina Robredo at Pangilinan, hindi maitatago ni Gutierrez na ayaw ng maraming kakampi ni Robredo, tulad nina Salceda at Rodriguez, kay Pangilinan, isang pulitikong hindi dapat pagkatiwalaan ng taong-bayan..