Bataan

May transaction sa Bataan capitol libre sa sasakyan

Christian Supnad Nov 13, 2026
88 Views

THE BUNKER, Bataan – May libreng sakay sa mga electric vehicles (EV) ang sinumang may transaksyon sa Bataan capitol simula sa Nob. 16, ayon kay Gov. Joet Garcia.

Sinabi ni Garcia na ito ay makatutulong sa mga kababayan sa panahon ng energy crisis dahil sa patuloy na pandaigdigang pagtaas ng presyo ng gas at diesel sanhi ng giyera.

Sa paraang ito ay makatitipid ang mga kababayan sa pamasahe o gastos sa gasolina.

At dahil EVs ang mga sasakyang gagamitin, tulad ng e-bus at e-coaster, nakatutulong pa ang inisyatiba sa pangangalaga ng kapaligiran sa Bataan, ayon sa gobernador.

“Sa simula ay dry-run operation pa lamang po ang isasagawa mula sa Dinalupihan, Hermosa, Limay, Mariveles, Morong at Bagac. Ang oras ng alis ng biyahe ay makikita sa larawan sa ibaba,” anang gobernador.

Lahat ng mga EV ay magmumula sa municipal hall. Point-to-point ang biyahe patungo sa The Bunker at pabalik sa munisipyo kaya hindi pahihintulutan ang pagbaba o pagsakay sa mga dadaanan ng EV.

“Dalhin ang inyong Bataeño Pass ID o i-screenshot sa inyong smartphone ang QR Code ng digital ID bago sumakay,” paalala ng gobernador.