Calendar

Maynila humingi na ng tulong sa MMDA ukol sa basura
NAGPAPASAKLOLO na ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang mahakot ang nagtambak na basura sa maraming lugar sa lungsod.
Aminado si Manila Department of Public Service (DPS) Officer-in-Charge Jonathan Garzo na nabigo ang mga service provider na MetroWaste Solid Management Corp. at Philippine Ecology Systems Corp. (PhilCo) na matugunan ang nilagdaang kontrata na nagkakahalaga ng P842.7 milyon para sa paghahakot ng basura sa Maynila bunga ng kakulangan ng kanilang mga tauhan.
Kaagad namang iniutos ni MMDA Chairman Atty. Don Artes na tugunan ang hiling ng Lokal na Pamaalaang Lungsod ng Maynila at tumulong sa paghahakot ng tambak na basura sa lungsod.
Nauna na ring sinabi ng DPS na hindi nila kayang balikatin ang problema sa basura sa lungsod dahil sa kakulangan ng mga trak na panghakot kaya’t maraming lugar sa Maynila ang naipon ang hindi nahahakot na basura.
Gayunman, sinabi ng DPS na patuloy nilang sinisikap na makatulong sa paghahakot ng basura at malinis ang mga pangunahing lansangan sa tulong ng kanilang mga street sweepers na maaga pa lamang ay naka-deploy na sa lansangan.
Sinisisi naman ng mga opisyal ng barangay sa distrito ng Sampaloc ang nagtambak na basura sa mabilis na paglalim ng baha sa kanilang lugar, lalu na sa kahabaan ng Espana Blvd. matapos ang dalawang sunod na araw na pagbuhos ng malakas na ulan noong Sabado at Linggo ng hapon.
Nangangamba rin ang mga magulang ng mga batang mag-aaral na magdulot ng iba’t-ibang uri ng sakit sa kanilang mga anak, hindi lang ang baha, kundi maging ang umaalingasaw na mabahong amoy na nagmumula sa tambak na basura.
Maging si incoming Mayor Isko Moreno Domagoso ay nagpahayag na rin ng kanyang pag-aalala sa malaking problema at inihayag na baka aniya dumami ang magkasakit, lalu na mga bata at mga senior citizen.
Nanawagan na rin ang mga residente ng Maynila kay Mayor Honey Lacuna na gumawa ng kaukulang aksiyon sa naturang problema kahit kulang na lang sa isang linggo ang pagtatapos ng kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Maynila.