Maynila

Maynila kinilala bilang Halal Champion

Edd Reyes May 27, 2026
56 Views

NAKIISA si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa paggunita ng Eid’l Adha na isang banal na araw ng pananampalataya ng mga Muslim, pagsunod, sakripisyo, at pagmamahal sa kapwa.

“Nawa’y magsilbi itong paalala na ang tunay na paglilingkod ay hindi lamang nasusukat sa salita, kundi sa kahandaang magsakripisyo para sa ikabubuti ng marami,” bahagi ng pahayag ng alkalde.

Sinabi pa niya na patuloy niyang isinusulong sa Lungsod ng Maynila ang pamahalaang may malasakit, paggalang, at pagkakaisa para sa bawat Manileño, anumang relihiyon, paniniwala, o pinagmulan.

Kaugnay nito’y kinilala ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila bilang “2026 Halal Champion” bunga ng natatanging mga programa at inisyatiba nito na sumusuporta sa layunin ng DTI Halal Industry Development and Promotion Program (HDPP) para sa isang Halal-friendly Philippines.

Personal na iniabot ni Director Dimnatang Radia, Program Manager ng DTI-HDPP, kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang plake ng pagkilala matapos magkasundo ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na pagtibayin at pag-isahin ang mga suportang maibibigay sa lungsod para sa pagpapaunlad ng halal industry, pagtatag ng Halal Town na bahagi ng isinusulong na Muslim-friendly Philippines.

Kabilang sa mga isinusulong ni Mayor Isko Moreno ang pagtatayo ng Halal Town, isang dedicated space para sa ating mga kapatid na Muslim habang aktibo rin niyang sinuportahan ang paglago ng halal industry sa lungsod sa pamamagitan ng Manila Halal Festival and Trade Fair noong Marso at ang pagbubukas ng Halal Festival and Industry Forum, kasabay ng pagdiriwang ng Eid’l Adha sa Kartilya ng Katipunan.