Isko

Maynila mayroon ng adult day care center

Edd Reyes Feb 26, 2026
129 Views

BUKAS na ang adult day care noong Huwebes sa San Andres Bukid, Maynila na inisyatibo ng pribadong sektor para makatulong sa pangangalaga sa mga senior citizen na naiwang mag-isa sa bahay.

Ibinatay ni Mylene “Mae” Vinluan-Dolonius sa sariling karanasan ang paglikha ng Olof’s Wife Day Care for Adult Care sa CT Tower sa San Andres bunga ng kanyang naranasang hirap na pinagdaanan nang magkaroon ng dementia ang kanyang asawa.

Natuto aniya siyang tanggapin ang pagbabago sa kanyang buhay sa pamamagitan ng mahabang pasensiya, pagmamahal, pagod, at biyaya na naging dahilan upang matutunan niya ang tunay na kahulugan ng pag-aaruga.

Labis ang pasasalamat ni Mayor Isko Moreno sa inisyatiba ni Dolonius at sinabing natutuwa siya dahil nakalinya sa polisiya ng kanyang administrasyon na mabigyan ng kahalagahan at pagkalinga ang mga lolo at lola.

“The very least that we can give to our elders that we make them feel is that may gobyerno na ipinagmamalasakit ang ating mga nakatatanda”, pahayag ng alkalde.

Kakaiba ang ganitong inisyatiba sa Pilipinas na hangad niyang gayahin ng iba pang bansa lalu na’t ito ang kauna-unahang itinayo at binuksan na day care center ng mga matatanda sa pangunguna ng pribadong sektor.