Calendar
Mayor Along nakatuon sa pagpapagawa ng vocational school sa Caloocan
NAKATUON sa pagpapagawa ng isang malaking vocational school si Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan kapag muling pinalad na mahalal para sa kanyang ikalawang termino sa 2025 mid-term election.
Inihayag ito ni Mayor Along nang maghain sila ng kanyang bise alkalde na si Vice Mayor Karina The ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) sa SM Grand Central sa Monumento Miyerkules ng umaga.
Nagpasalamat din si Mayor Along sa napakaraming Batang Kankaloo na sumalubong sa kanya, kasama ang asawang si Aubrey at amang si Cong. Oca Malapitan, nang magtungo sa Comelec satellite office para maghain ng COC.
“Naluha nga ako nang pagpasok ko, talagang kakaiba yung feeling, nagpapasalamat ako sa mga taga-Caloocan dahil patuloy nilang sinusuportahan ang aming ginagawang panunungkulan,” pahayag ng alkalde.
Sa kabila ng napakainit na suportang isinalubong sa kanya ng mga taga-Caloocan, hindi pa rin kampante si Mayor Along sa kabila ng mga naglabasang survey kung saan malaki ang kanyang inilamang kay dating Senator Antonio Trillanes III na nagpahayag ng hangaring tumakbong alkalde ng lungsod.
”Kapag me kalaban ka, siyempre me challenge yun, ang maipagmamalaki ko lang, ang mahaba kong karanasan bilang lingkod-bayan, galing akong Barangay Captain, naging Konsehal, Kongresista, at ngayon alkalde,” sabi pa ni Mayor Along.