Calendar
Mayor Guo sinampahan ng kaso ng DILG, sinuspendi ng Ombudsman
PINATAWAN nitong Lunes, June 3, ng Office of the Ombudsman ng preventive suspension si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at dalawa pang lokal na opisyal habang dinidinig ang mga kasong administratibo na isinampa laban sa kanila.
Sa inilabas na order ni Ombudsman Samuel Martires, bukod kay Guo, sinuspinde rin sina Edwin Ocampo, pinuno ng Business Permit and Licensing Office ng munisipalidad ng Bamban, at Municipal Officer Adenn Sigua.
Inilabas ang naturang order matapos na maghain ang Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Mayo 24 ng kasong grave misconduct, serious dishonesty, gross neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of the service laban sa tatlong opisyal.
Nag-ugat ang mga naturang kaso dahil sa umano’s pagkakasangkot ng alkalde sa Philippine offshore gaming operator (POGO) na Zun Yuan Technology Incorporated, na ni-raid ng mga pulis noong Marso dahil sa reklamo ng human trafficking at serious illegal detention.
Sa pagkakasuspinde sa tatlong opisyal, sinabi ng Ombudsman na may sapat na dahilan upang suspindihin ang mga ito dahil may malakas na ebidensiya na may kasalanan sila.
Binigyang-diin pa ng Ombudsman na maaaring maperwisyo ang isasagawang imbestigasyon sa kanila kung mananatili sila sa kanilang mga tanggapan. Nina JUN I. LEGASPI & CORY MARTINEZ