Lacuna

Mayor Honey humingi ng pang-unawa sa atrasadong abiso sa class suspension

Edd Reyes Sep 17, 2024
61 Views

HUMINGI ng pang-unawa si Mayor Honey Lacuna-Pangan sa mga nairitang magulang dahil sa atrasadong abiso na suspendido ang klase sa elementarya at high school sa mga pribado at pampublikong paaralan sa Manila dahil sa bagyong Gener.

Ayon sa alkalde, alas-5:00 na ng umaga ng maglabas ng advisory na signal No. 1 na ang hilagang bahagi ng Metro Manila pero wala namang ulan.

Aprubado rin kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang pagsuspinde ng klase kahit atrasado na ang announcement.

Sa abiso ng pamahalaang lungsod ng Maynila pasado alas-5:00 ng umaga, suspendido na ang face-to-face at online classes sa kinder hanggang Grade 12 sa mga pribado at pampublikong paaralan at inaatasan ang mga principal na pauwiin ang mga estudyanteng nakapasok na bago itaas ang signal No. 1.

Ibinatay ng alkalde ang suspensyon ng mga klase sa Department of Education Order No. 37, Series of 2022 na automatic na suspended ang mga klase mula kinder hanggang Grade 12 sa mga lugar na deklarado ang Signal No. 1.

Nakasaad din sa abiso na dapat may make up classes sa mga araw na walang klase sa mga susunod na araw sa mga lugar na na-suspend ang klase.