Calendar

Mayor Honey inisa-isa proyekto sa Manila
INILATAG ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga programa at proyektong kanyang naisakatuparan sa loob ng tatlong taon bilang alkalde.
Kasabay ito ng pagsang-ayon ng alkalde na ibatay na lang sa mga nagawa sa panahon ng panunungkulan ang gagawing pangangampanya ng mga kandidato sa lungsod.
Sa imprastraktura, binanggit ni Lacuna ang konstruksiyon ng Kalinga sa Maynila Center, Pharmacy Warehouse, bagong gusali ng Guerrero sa Aurora A. Quezon Elementary School, bagong gusali ng V. Mapa High School, rehabilitasyon ng Lagusnilad Underpass, konstruksyon ng Isabelo Delos Reyes Elementary School, Emilio Jacinto Elementary School, Animal Shelter and Clinic at Pet Cemetery and Crematorium sa South Cemetery.
Sa hanay ng kalusugan, itinatag ng alkalde ang Governor Benjamin T. Romualdez Center, Sta. Ana Hospital Blood Bank, Manila Mental Health Center, libreng dialysis sa Gat. Andres, Sta Ana Hospital at Ospital ng Maynila, pagkakaroon ng Human milk bank pasteurize sa Justice Jose Abad Santos General Hospital, pagtatatag ng Gat. Andres Emergency Room and Infectious ward, mga bagong sasakyan para sa lahat ng dialysis sa ospital ng lungsod, pagtatatag ng Pasion Dialysis Center, konstruksyon ng Aurora Quezon Health Center, Tayabas Health Center, Pedro Gil Health Center, San Sebastian Health Center, at Public Health Laboratory.
Ipinagmalaki rin ng alkalde ang pagtataas sa P1,000 mula sa P500 na buwanang allowance ng mga senior citizen, abuloy na P3,000 sa bawa’t benepisyaryo, tulong pinansiyal sa mga may sakit, nasunugan at nasalanta ng kalamidad, pagkakaroon ng regular na People’s Day at pamamahagi ng allowance sa mga PWD at menor-de-edad.
Nkapagbigay siya ng P2,000 graduation gift sa mga nagtapos sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad De Manila (UDM), pagkakaroon ng bagong kurso sa UDM at PLM, konstruksiyon ng Annex building ng UDM sa Tondo, bagong silid-aklatan sa Paco at Sta. Cruz at bagong gusali ng mga pampublikong paaralan na may saktong laki at sukat.
Sinabi ng alkalde na dapat tapat at laging totoo ang sasabihin ng kandidato sa mga botante at hindi pagpapakalat ng maling balita at puro pambobola.