Servo Sinalubong ng mga supporters sina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin Yul Servo matapos na mag-file ng certificate of candidacy para sa second term ang dalawa sa SM-Manila noong Huwebes. Kuha ni JonJon Reyes

Mayor Honey nangako ng malinis na pangangampanya

Edd Reyes Oct 3, 2024
137 Views

NAG-file na ng certificate of candidacy (CoC) sina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto para sa kanilang ikalawang termino noong Huwebes sa SM Manila.

“I wish him good luck,” sabi ng alkalde kung ano ang mensahe niya sa dating kaalyado at ngayo’y makakalaban at natalong kandidato sa pagka-presidente na si Isko Moreno.

Sinabi ni Lacuna na mula noong Agosto, isang beses lang sila nagkausap ng dating alkalde nang sabihin sa kanya ang planong pagtakbo bilang alkalde ng Maynila sa 2025 midterm election.

Ayon kay Lacuna, napag-usapan na nila na kapag hindi pinalad sa hangaring maging Pangulo magreretiro na siya sa pulitika at hahayaan siyang tapusin ang tatlong termino bilang alkalde.

Binigyang diin ng alkalde na magiging malinis ang gagawin nilang pangangampanya ni Vice Mayor Servo dahil hindi nila ugali na manira ng sinuman, lalo na ang mga kalaban sa pulitika, dahil may nagawa sila sa halos tatlong taon nilang panunungkulan.

Magugunita na sa panahon ng panunungkulan ni Mayor Lacuna, umabante sa unang pagkakataon ang Maynila sa National Level of the Seal of Good Local Governance na ipinagkakaloob ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Ipinagkakaloob sa mga lokal na pamahalaan ang naturang parangal na nakapagpakita ng mahusay at lantad sa kaalaman ng publiko ang pamamahala na nakabatay sa mga inilatag na panuntunan ng DILG tulad ng wastong pamamahala at paggamit ng pondo, kahandaan sa anumang sakuna at panganib, pagtugon sa mga pangangailangan ng mga nasa mahinang sektor, kahusayan sa promosyon sa pagnenegosyo, pananatili ng kaayusan at katahimikan sa komunidad at pagbibigay ng proteksiyon sa kapaligiran.

Sa kanilang paghahain ng kanilang kandidatura, isinama ni Mayor Lacuna ang asawang si Dr. Arnold “Poks” Pangan, City Health Officer ng Manila Health Department, at kasama ni Nieto ang kanyang asawang si Flovelyn at kanilang mga anak.