Lacuna

Mayor Honey, VP Yul pinangunahan coastal cleanup ng Manila Bay

Edd Reyes Sep 21, 2024
85 Views

IMBES na magkulong sa air conditioned room o manood ng Netflix, walang sinayang na oras sina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto, kasama ang mga mga volunteer organizations, nang pangunahan nila ang cleanup ng Manila Bay sa Baseco compound bilang paggunita sa 39th International Coastal Cleanup noong Sabado.

“Mahalaga itong coastal cleanup up para mabawasan ang mga debris at basurang nadala ng agos ng baha mula sa kalupaan at ng alon at tide ng dagat.

Patuloy ang coastal cleanup natin dahil nadaragdagan lagi ang debris at basurang naiipon sa Manila Bay,” pahayag ng alkalde.

Kasama ang mga opisyal at kawani ng iba’t-ibang departamento ng Manila City Hall ang mga lumahok na volunteers, maging ang mga opisyal ng Baseco at kanilang staff, sa paglilinis sa anim na istasyon sa Baseco upang maging sistematiko at masinop ang clean-up drive sa malawak na baybayin.

“Sa Manila Bay dumadaloy ang baha ng Metro Manila at mga karatig-bayan na nakapalibot dito at dahil naging matindi ang mga pagbaha mula July hanggang September, hindi na tayo nagtatakang marami tayong nakuhang debris at basura,” sabi pa Mayor Lacuna.

“Ipaparating natin sa mga kinauukulan sa national government ang magiging ulat ng Maynila matapos nitong coastal cleanup.

Sana kapulutan nila ng mga aral upang mabawasan sa mga darating na panahon ang tindi ng pinsala ng mga baha.

Kumplikado ang flooding sa Metro Manila at dahil diyan iba’t-ibang solusyon ang kailangan,” sabi ng alkalde.