Calendar

Mayor Isko di kailanman nagbintang sa panahon ng kampanya
SA kabila ng inaaning batikos at alipusta, hindi kailanman nagbintang at nag-akusa si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa kanyang mga katunggali sa panahon ng kampanya.
Ayon sa mauupong alkalde ng Maynila, wala naman aniya saysay kung saktan man niya ang damdamin ng sinuman sa kanyang mga katunggali dahil hindi naman aniya para sa kanila ang laban kundi para sa mamamayan ng Lungsod ng Maynila.
Kung may tanong aniya ang mamamayan kaugnay sa mga ibinibintang sa kanya, diretso siyang nagpapaliwanag sa taumbayan at hindi sa mga taong nag-aakusa kaya malinaw naman ang naging katugunan ng mamamayan sa nagdaang halalan.
Wala na rin aniya siyang iniindang sama ng loob sa mga dati niyang naka-trabaho na hindi pumanig sa kanilang grupo dahil mas mahalaga aniya sa kanya ang kapakanan ng taumbayan na umaasa na may gobyernong tutugon sa kanyang mga ipinangakong kalinisan, kaayusan at kapanatagan ng loob,
“I wish them good luck, I’m happy for them, binigyan pa sila ng pakakataon ng taumbayan. Hindi sila magiging sagabal sa mga plano ko para sa Maynila. I will not take personal things against the interest of the people, it’s always about the people,” pagtiyak ng mauupong alkalde.
Idinagdag pa ni Domagoso na naka-move on na siya sa nagdaang halalan at umaasa rin siya na may natutunan silang lahat, maging ang mga natalo o nagwagi dahil sa pagtatapos aniya ng araw, taumbayan din naman ang magdedesisyon kung sino sa akala nila ang makakapaglingkod at makakagawa ng maganda para sa bayan.