Isko

Mayor Isko ibinigay kay PBBM Manila drainage master plan

Edd Reyes Sep 18, 2025
266 Views

IBINIGAY ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang drainage master plan ng Maynila bilang suporta sa pagsisikap ng administrasyon na lutasin ang pagbaha sa kapitolyo ng bansa.

Ang drainage master plan may siyentipiko at teknikal na pagbabalangkas na makakalutas sa matagal ng problema sa baha, ayon sa alkalde.

Ibinigay rin ni Mayor Isko Moreno kay Pangulong Marcos ang operations plan ng lungsod para sa nalalapit na malawakang kilos-protesta sa Setyembre 21 sa Maynila.

Kabilang sa plano na tinaguriang “Oplan Pagmamahal sa Bayan” ang pagtatalaga ng Incident Command System, pagpapakilos sa mga health workers, pagtugon sa sakuna, traffic at serbisyo ng mga pulis sa ilalim ng Manila Police District (MPD) upang protektahan ang karapatan ng mga nagpo-protesta at kaligtasan ng publiko.

Sinabihan ni Pangulong Marcos ang alkalde na makipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa sa drainage master plan ng lungsod.

Tiniyak ng alkalde sa Pangulo na handa silang makipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan.

“Rest assured that Manila stands ready to work with your administration in pursuit of sustainable development and the well-being of our people,” sabi ni Mayor Isko.

Ibinigay ng alkalde ang plano ng bumisita ang Pangulo sa Antonio Villegas High School sa Tondo kung saan namahagi ang alkalde at si Vice Mayor Chi Atienza ng tulong sa 2,253 pamilyang apektado ng malaking sunog sa Brgy. 105 Happyland.