Calendar

Mayor Isko ikinasa na ang hakbang upang maibsan malawakang pagbaha sa Maynila sa tagulan
HIGIT limang linggo bago umupo sa puwesto, kasado na ang gagawing hakbang ni Mayor Isko Moreno Domagoso upang maibsan ang malawakang pagbaha sa Maynila sa nalalapit na tag-ulan.
Aminado ang mauupong alkalde na magiging malaking hamon sa kanila ang pagpigil sa baha dahil nanggagaling sa mataas na Silangang bahagi ng Metro Manila ang tubig kaya’t nagsisilbing catch basin ang lungsod.
Dumadaloy aniya sa mga kanal, sapa, at estero ang mga tubig na may tangay na mga solid materials na nagiging dahilan para magbara ang mga daluyan ng tubig na dahilan ng mga pagbaha.
Upang maalis ang mga bara, sinabi ni Yorme na bubuhayin niyang muli ang kanilang mga Estero Rangers, Ilog Rangers, at maging ng Baseco Rangers na magmumula sa mga empleyadong nakatalaga sa Department of Public Service (DPS).
Ang bawa’t grupo aniya ng mga kawani ng DPS na matatalaga sa mga partikular na estero, ilog, at baybaying dagat ng Manila Bay hanggang Baseco ay kailangan nilang linisin at huwag hayaang may naglutangang solid materials.
Sa ganitong paraan, madali na ring mapanagot ang mga itatalagang tagapaglinis sa oras hindi nila ginampanan ng mahusay ang kanilang tungkulin.
Sinabi pa ng alkalde na mayroon namang flood control area sa Maynila na nasa ilalim ng pamamahala at pangangasiwa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) pero makikipagtulungan din sila at gagawa ng mga tamang hakbang upang maibsan ang pagbaha.
Sa kabila nito, nanawagan pa rin si Yorme sa mamamayan na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan kahit man lang sa pamamagitan maayos at wastong pagtatapon ng kanilang basura upang hindi magsilbing bara sa mga daluyan ng tubig.
“I cannot do it alone, kahit mag-24 oras na ko diyan. Hindi man maging perpekto ang gobyerno natin pero titiyakin ko na may gobyerno sa Maynila,” pahayag ni Yorme.