Isko

Mayor Isko nagpadala ng medical team at relief goods sa Cebu

Edd Reyes Oct 3, 2025
258 Views

NAKARATING na sa lalawigan ng Cebu ang team ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO) na ipinadala ni Mayor Isko Moreno upang maghatid ng tulong at suporta sa mga naapektuhan ng malakas na lindol

Iniutos ng alkalde ang pagpapadala sa medical team sa lalawigan ng Cebu na labis na naapektuhan ng 6.9 na lindol makaraan ang ipinatawag niyang pulong kina Arnel Eustacio Angeles, Director ng MCDRRMO, Acting City Treasurer Atty. Paul Vega, Manila Health Department Officer-in-Charge Dr. Grace Padilla, Bureau of Permits Director Levi Facundo, City Budget Officer Jorjette B. Aquino, at Chief of Staff Cesar Chavez.

Bukod sa medical assistance, nagpadala rin ng relief goods ang alkalde at agarang koordinasyon sa mga lokal na awtoridad para sa mabilis at maayos na pagresponde sa pangangailangan ng mga apektadong residente.

Miyerkules din ng hapon nang tumulak ang buong team patungong Cebu upang kaagad maihatid ang mga kaukulang tulong.

Sinabi ng alkalde na iniutos niya ang agarang pagpapadala ng medical team at supplies sa Cebu bilang pakikiisa at pagdamay ng pamahalaang lungsod sa ating mga kababayang nakaranas ng trahedya.

Patuloy din aniya nilang ipinagdarasal ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa Cebu, pati na rin ng medical team mula sa Maynila, habang matapang nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin na tumulong sa mga nangangailangan.