Allan

Mayor Lani madaling kausapin

70 Views

ANG sakit sa dibdib na marinig na hindi natuloy ang subway train para sana sa intercity route mula Makati business district paikot sa Embo barangays sa Taguig City.

Ang dahilan ni former Makati mayor Abby Binay, hindi raw sakop ng Makati ang Embo barangays dahil naglabas ng ruling ang Korte Suprema na ito ay nasa teritoryo na ng Taguig City na sakop naman ni Mayor Lani Cayetano.

Pero hindi pala ganoon kasimple ang pag-terminate ng Makati City government sa proyekto dahil sinabi ni incumbent Mayor Nancy Binay na gagastos pa ang lungsod ng P8.9 billion para ibayad sa Philippine Infradev Holdings Inc na siyang dapat gagawa sa subway system.

Ayon kay Mayor Nancy, nakasaad sa kasunduan na magbabayad ang city sa Infradev ng US$160 million or P8.96 billion sa loob ng siyamnapung araw matapos ang consent award/settlement mula sa Singapore International Arbitration Centre o SIAC.

Ibig sabihin, nagdemanda ang Infradev dahil hindi natuloy ang Makati City subway project.

Pero hindi naman sana natigil ang proyektong ito kung talagang kabutihan ng publiko ang inuna. Masyadong mababaw ang dahilan para matigil ang proyekto: napunta na kasi sa hurisdiksiyon ng Taguig City ang Embo barangays matapos ang desisyon ng Korte Suprema kaya hindi na itutuloy ng Makati na noon ay nasa ilalim ng pangangasiwa ni Mayor Abby.

Ito ang sinasabi kong pinapahirap natin ang solusyon sa problema na puwede naman sanang padaliin. Una, hindi naman mahirap kausap ang Taguig City, lalo na kung para sa kabutihan ng kanilang mga mamamayan. Amyenda lang sa agreement ang kailangan para hindi matigil ang proyekto kung talagang gugustuhin.

Sa halip na dalawa lang ang nag-uusap, isasali mo lang ang lokal na pamahalaan ng Taguig sa usapan, tqpos na ang problema. Mula sa dating Makati-Infradev, papasok na ang Taguig dahil iyon naman talaga ang tamang gawin dahil sa naging court ruling.

Unang-una, sa klase ng karakter ni Mayor Lani, napakadali nitong kausap, lalo na kapag para sa development ng Embo barangays ang pag-uusapan. Narinig natin si Mayor Lani sa kanyang video rebuttal tungkol sa Makati subway project na ito na sila pa ang nasisi sa pagtigil ng proyekto.

Sa totoo lang naman, mababaw na dahilan iyong “territorial jurisdiction” para matigil ang proyekto. Mas magiging madali ngang buhatin ang isang mabigat na bagay kung tatlo ang magtutulong-tulong.

Nakita na natin kung nasaan ang Taguig City ngayon mula sa pagiging sleepy town decades ago. Milya-milya ang layo ng progreso ng Makati noong mga panahong iyon pero nang bumangon ang Taguig City, parang sipa ng kabayo sa kaunlaran! Maraming mga blue chips corporation ang naglipatan na sa Taguig mula sa dating Makati base nila dahil sa kanyang maganda at mabilis na development mula sa maluwag na kalsada, malinis na paligid at totoong business-friendly in real life, hindi lang palabas!

Iba iyong palakad ni Mayor Lani, masyadong personal at masyadong maingat para lalong mapaunlad ang lungsod.

Kaya nga kung naging tama lang ang desisyon ni former mayor Abby na makipagtulungan kay Mayor Lani Cayetano sa halip na ipatigil ang proyekto, wala sanang naging problema sa subway project na yan.

allanpunglo@gmail.com