Quiboloy

Media empire ni Quiboloy nasa balag ng alanganin sa imbestigasyon ng Senado, Kamara

182 Views

NASA balag ng alanganing umano ang kapalaran ng televangelist Apollo Quiboloy dahil sa isasagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga alegasyon ng human trafficking, rape, at sexual at physical abuse sa loob ng pinamumunuan nitong Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Kasabay nito ay sinisilip naman ng Kamara de Representantes ang mga paglabag ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa mga termino ng prangkisa na ibinigay dito ng Kongreso. Sa SMNI umeere ang pangangaral ni Quiboloy.

Ang mga pangyayaring ito ay naglalagay umano ng kuwestyon sa kung ano ang sasapitin ng religious at media empire ni Quiboloy.

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros sa Enero 23.

Ang imbestigasyon ay nag-ugat sa resolusyon na inihain ni Hontiveros bunsod ng mga kasong kinakaharap ni Quiboloy at iba pang miyembro ng KOJC sa Estados Unidos.

Iimbitahan ng komite si Quiboloy upang maibigay ang panig nito. Inaasahan naman ang pagdalo ng mga dating miyembro ng KOJC na nagpahayag ng kahandaan na isiwalat ang mga mali umanong ginagawa ng religious sect.

Tinututulan ng kampo ni Quiboloy ang isasagawang imbestigasyon ng Senado na politically motivated umano.

Ayon sa abugado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio dapat ay magsampa ng reklamo si Hontiveros at hindi magsagawa ng ‘trial by publicity’ investigation.

Naniniwala rin si Topacio na hindi angkop ang Senado na imbestigahan ang naturang isyu at iginiit ang kahalagahan na maging patas ang legal na proseso.

Samantala, pinag-aaralan ng Kamara ang panukala na bawiin ang congressional franchise na ibinigay sa Suara Sug Media Corporation, na ginagamit ng SMNI.