Calendar

Media groups nanawagan ng stabilidad sa PCO, Ruiz suportado
TATLONG kilalang organisasyon ng media — ang Justice Reporters’ Organization (JUROR), SOCSKSARGEN Press Club, at Publishers Association of the Philippines Inc. (PAPI) — ang hayagang nagpahayag ng suporta kay Presidential Communications Secretary Jay Ruiz.
Ito’y dahil sa kaniyang propesyonalismo, integridad bilang mamamahayag at kakayahang pamunuan ang mga komunikasyon ng pamahalaan sa panahong mataas ang panawagan para sa katotohanan at pananagutan, sinabi ng mga grupo.
Sa isang pahayag, sinabi ng JUROR — binubuo ng mga beteranong mamamahayag na nakatalaga sa justice beat — na matagal nang ipinapakita ni Ruiz ang mga katangian ng isang tagapaghatid ng impormasyon na may katarungan, kalinawan at respeto sa karapatan ng publiko na malaman ang totoo.
“Marami sa amin ang nakatrabaho si Ginoong Ruiz noong siya ay nasa larangan ng broadcast journalism. Nakuha niya ang aming respeto hindi lamang sa kanyang propesyonalismo at kredibilidad kundi pati na rin sa kanyang likas na pag-unawa sa papel ng media sa isang demokrasya,” saad ng grupo.
Idinagdag pa nila na ang karanasan ni Ruiz sa loob ng newsroom at sa gobyerno ay nagbibigay sa kaniya ng natatanging kakayahang harapin ang mga hamon ng pampublikong komunikasyon sa panahon ng mabilis at madalas na polarized na daloy ng impormasyon.
“Sa panahon ngayon kung saan ang mga katotohanan ay palaging hinahamon, ang pagkakaroon ng isang tulad ni Secretary Ruiz — na nakakaunawa sa wika ng gobyerno at ng media — ay isang malaking yaman para sa administrasyon at sa pampublikong diskurso,” diin ng JUROR.
Kaakibat ng pahayag na ito, ang SOCSKSARGEN Press Club, sa pamamagitan ng kanilang Manifesto of Support, ay mariing nanawagan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na panatilihin si Ruiz bilang pinuno ng Presidential Communications Office (PCO).
“Si Secretary Jay Ruiz, isang bihasang broadcast journalist, ang pinakaakmang mamuno sa PCO bilang pangunahing sangay ng komunikasyon ng administrasyong Marcos,” ayon kina Club President Joseph Jubelag at Chairman Atty. Isaias Golez Jr.
Binigyang-diin nila ang kahusayan ni Ruiz sa larangan ng broadcast at ang kaniyang malawak na network sa media bilang mahalagang salik sa pagsusulong ng responsableng pamamahayag at paglapit ng gobyerno sa taumbayan.
“Dahil sa kanyang kwalipikasyon at kakayahan, tiyak na magkakaroon ang administrasyon ni PBBM ng isang epektibo at tumutugong sangay sa larangan ng komunikasyon,” dagdag ng grupo.
Nagpahayag din ng suporta si PAPI President Nelson Santos, na binigyang-diin ang kahalagahan ng kontinwidad sa mga komunikasyon ng pamahalaan, lalo na sa panahong puno ng ingay sa pulitika at pressure mula sa publiko.
“Habang iginagalang namin ang isinasagawang pagsusuri sa posisyon ni Secretary Ruiz, naniniwala kami na ang pagpapalit ng lider sa kalagitnaan ng laban ay hindi magandang senyales para sa administrasyon—lalo na sa panahong higit na kailangan ang malinaw at kapani-paniwalang komunikasyon,” ani Santos.
Itinampok niya ang malalim na pag-unawa ni Ruiz sa parehong media landscape at pulso ng mamamayan — mga bihirang katangian na tumutugma sa mga pangangailangan ng isang modernong PCO Secretary.
“Nakita naming mga nasa community press at mainstream media ang tapat na paglilingkod ni Secretary Ruiz sa katotohanan, patas na paghahatid ng balita, at malayang daloy ng impormasyon,” dagdag ni Santos.
Nagbabala rin si Santos tungkol sa hindi magandang tingin ng publiko sa madalas na pagpapalit ng lider sa PCO, lalo na’t si Ruiz na ang ikaapat na press secretary mula noong 2022.