Enterprise

Medium, large enterprise sa QC makakaasa na sa magandang insentibo

Cory Martinez Sep 27, 2024
107 Views

MABIBIGYAN na ng mas magandang insentibo ang mga medium at large enterprise sa lungsod ng Quezon matapos na inaprubahan ni Mayor Joy Belmonte ang isang ordinansa na naglalayon na baguhin ang dati nang ibinibigay na insentibo sa mga negosyante ng lungsod.

Nilagdaan ni Belmonte ang Ordinance No. SP-3296, S-2024, na nag-aamyenda sa Ordinance No. SP-2219, S-2013, upang mabigyan ng mas maganda at customized na fiscal incentive package sa mga medium at large enterprise sa lungsod.

Pinanukala nina Councilor Wency Lagumbay, Doray Delarmente, Banjo Pilar, at Chuckie Antonio ang naturang ordinansa.

“We have implemented necessary changes to the incentives we provide to medium and large enterprises as part of our ongoing efforts to attract more businesses and investors to channel their resources, expand or relocate their activities in the City to strengthen local economic progress,” ani Belmonte.

Sa ilalim ng ordinansa, ang mga bagong medium at large enterprise na may asset size na mahigit sa Php 15 milyon, at hindi kabilang ang land value, ay maaaring mag-aplay para sa two-year tax exemption mula sa business tax, amusement tax, franchise tax, at real property tax sa registered land at bagong building na itinayo, sa loob ng dalawang taon mula sa pagkarehistro nito.

Magkakaroon pa ng isang taon na exemption kung ang bagong rehistrong negosyo ay lalahok sa business listed sa panibagong Investment Priorities Plan ng Quezon City katulad ng circular at sustainable infrastructure, creative economy at industry, inclusive economy, at innovation at development.

Ang negosyo naman na nagpaplano na mag-expand o magtayo ng bagong branch sa lungsod ay bibigyan din ng benepisyo ng two-year exemption mula sa business tax, amusement tax, franchise tax, at real property tax sa registered lands at bagong tayong gusali na ginawa sa loob ng dalawang taon mula sa pagkarehistro ng tanggapan nito o dagdag na branch.

Samantalang ang mga negosyo na magre-relocate ng kanilang principal na tanggapan sa lungsod ay maaaring tumanggap ng isang 10-year tax exemption mula sa situs tax para sa lahat ng kanilang gross sales sa labas ng lungsod.

Kabilang pa sa mga insentibo sa naturang ordinance ay ang pagbibigay ng insentibo sa mga loyal na negosyo na pinanatili ang kanilang principal office sa lungsod sa loob ng 15 na taon, Mabibigyan sila ng sampung porsyentong discount para sa isang taon sa kanilang situs tax para sa lahat ng kanilang gross sale sa labas ng lungsod.

Ang mga negosyante na nagnanais makakuha ng mga naturang insentibo ay kailangang magparehistro sa Local Economic Investment Promotions Office (LEIPO) at kailangang aprubahan ng QC-Economic Development and Investments Board.

Responsable ang LEIPO sa pagmo-monitor ng pagtupad sa naturang ordinansa at pagtiyak sa tamang implementasyon nito.