Calendar

Mekaniko ginawang buko ng kaaway ang ulo, tinaga ng bolo
MALUBHA ang lagay ng 45-anyos na mekaniko matapos tagain ng jungle bolo sa ulo ng dating kaalitan sa Sampaloc, Manila noong Linggo.
Ang biktima, si Danilo Castillo, kaanib umano ng Bahala na Gang samantalang natimbog naman ang suspek na si Arnel Bohol, 30.
Ayon sa ulat ng Barbosa Police Station 14 ng Manila Police District, bandang alas-11:00 ng umaga ng tagain ng suspek na parang buko ang ulo ng biktima sa A.H. Lacson Avenue at G. Tuazon St., Sampaloc, Manila.
Bago madakip ang suspek, naglalakad ang biktima kasama ang kanyang mga kasamahan para bumili ng ilang paninda ng biglang lapitan ng suspek at kinumpronta hinggil sa hindi nila pagkakaunawaan ilang araw na ang nakakaraan.
Walang sabi-sabing tinaga ng suspek ang ulo ng biktima gamit ang bolo knife. Gumanti ang biktima at dumepensa gamit ang kahoy na pamalo.
Tumakas ang suspek habang hawak-hawak ang bolo na ginamit sa pananaga at nadaanan ang Police Assistance Desk (PAD) sa P. Guevarra St., Brgy 435, Sampaloc, Manila at doon na naaresto.
Narekober sa possession ng suspek ang isang large knife (bolo) na humigit-kumulang 19 inches ang haba.