Bosita

Memorandum ng MMDA hindi serbisyo kundi perwisyo — Bosita

Mar Rodriguez Aug 4, 2023
160 Views

ANG ipinatupad na Memorandum ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) patungkol sa pagbabawal sa mga motorcycle riders na sumisilong at magpalipas ng ulan sa ilalim ng mga tulay, footbridges at underpass ay hindi serbisyo. Kundi perwisyo.”

Ito ang binigyang diin ni 1-RIDER Party List Congressman Bonifacio L. Bosita sa kaniyang privilege speech kamakailan sa Kamara de Representantes na ang ipinatutupad na Memorandum ng MMDA na inilabas ng ahensiya noong nakaraang August 1, 2023 ay hindi matatawag na “serbisyo publiko” partikular na para sa mga motorcycle riders. Bagkos, ito umano ay isang napakalaking perwisyo para sa motorista o MC riders na naghahanap-buhay lamang para sa kani-kanilang pamilya.

Alinsunod sa Memorandum ng MMDA, ipinaliwanag pa ni Bosita sa kaniyang talumpati na ang huhulihin lamang nila at papatawan ng kaukulang multa ay ang mga MC riders na “maabutan ng malakas na ulan” at pansamantalang sisilong para magpalipas ng ulan sa ilalim ng mga tulay, footbridges, MRT stations at underpass. Subalit pahihintulutan naman ng MMDA ang mga riders pansamantalang hihinto sa mga nasabing lugar para magsuot ng kanilang kapote.

Ipinaalala ni Bosita sa MMDA na sila aniya ay mga “public servant” na dapat tumugon sa mga mamamayan na nangangailangan ng kanilang tulong at serbisyo partikular na ang mga motorcycle riders.

Muling binigyang diin ng kongresista sa kaniyang talumpati na mali aniya ang ipinatutupad na Memorandum ng pamunuan ng MMDA sapagkat ito umano ay hindi serbisyo bagkos, ito’y isang napakalaking perwisyo lalo na para sa mga MC riders na naghahanap buhay lamang.

Iginiit ng mambabatas na dahil pinagbabawalan ng pamunuan ng MMDA na pansamantalang sumilong ang mga MC riders sa mga nabanggit na lugar Mistulang itinutulak aniya ng aheniya ang mga riders sa kapahamakan dahil maaari silang masabitan, masagi o mahagip ng iba pang motorista sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan partikular na kung zero visibility o wala ng halos makita sa mga lansangan. Bukod pa umano dito ang madulas na kalsada dulot ng matinding buhos ng ulan.

“Bakit po natin sinasabi na mali ang ipinatutupad ng MMDA? Mali po, dahil ang mga riders na papayagan nilang tumigil sa ilalim ng mga footbridges at tulay para magsuot ng kapote ay nananatiling obstruction pa rin sa iba pang motorista. Bakit naman po natin sinasabi na perwisyo at hindi serbisyo ang ipinatutupad nila? Sinasabi po nating hindi serbisyo dahil itinutulak nila sa kapahamakan ang mga riders,” ayon kay Bosita sa kaniyang privilege speech.