Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II

Mendoza iniutos paghanap ng shop na nagka-calibrate ng breath analyzers

Jun I Legaspi Aug 23, 2024
74 Views

INIUTOS ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang paghahanap ng shop na nagre-repair at nagka-calibrate ng mahigit 750 breath analyzers na binili ng LTO noong 2015 at 2017.

Sa pagsasagawa ng paunang canvassing, napag-alaman na ang kompanyang nag-suplay ng mahigit 600 units ng breath analyzers noong 2017 nagsara ilang buwan matapos ang delivery kaya’t mahirap na ngayong makipag-ugnayan para sa recalibration.

Ito’y base sa imbentaryo ng mga breath analyzers na binili ng LTO ilang taon na ang nakalipas para sa pagpapatupad ng Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.

Base sa imbentaryo, mahigit 200 na lang ang maaaring maayos at magamit pa pero ang karamihan sira na at hindi na ma rerepair pa.

Hindi binili sa ilalim ng administrasyong Marcos ang mga breath analyzers, ayon kay Mendoza. Ang unang batch na 150 units binili noong 2015 sa halagang P10.2 milyon habang at ang natitirang mahigit 600 binili noong 2017 sa halagang mahigit P38,000 kada unit.

Ang kabuuang halaga ng dalawang procurement para sa 756 units ng breath analyzers umabot sa P33.8 milyon.

Pagkakatanggap ng mga ito, 215 ang ibinigay sa Philippine National Police (PNP) habang 50 units naman ang sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang mga ahensiyang katuwang ng LTO sa pagpapatupad ng Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.

Ipinamahagi sa lahat ng regional offices ng LTO ang natirang units kaya tumagal ang pag-conduct ng inventory sa lahat ng nabiling breath analyzers, ayon sa LTO chief.

Noong 2020, ibinalik ng PNP ang 50 units at 150 units noong 2021—lahat para sa calibration na mahalaga at mandatoryo sa anumang metering device.

Naging isyu ang tungkol sa breath analyzers matapos itong talakayin sa imbestigasyon ng Senado.

“The issue on the breathalyzers is one of the issues that I came across with when I inquired about why they are not being used. This was when I assumed the top post in July last year,” ani Assec Mendoza.

“But this was overtaken by more challenging issues, especially on the need to address the backlogs on license plates and the driver’s license, as well as the need to focus on the improvement of our digital platforms,” dagdag niya.

“What we are doing now is to save more than 200 units by looking for a shop that could do the job,” ani Assec Mendoza.

Ngunit sinabi ni Mendoza na bahagi ng pagsusuri ang pagtukoy kung alin ang pinaka-makakatipid–ang pagpapaayos o pagbili ng bago.