Calendar
Mendoza sa LTO RDs: Presensya sa kalsada paigtingin ngayong Kapaskuhan
INATASAN ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang lahat ng LTO regional directors (RDs) at head ng law enforcement units na paigtingin ang presensya sa mga lansangan kasabay ng inaasahang pagdami ng mga sasakyan ngayong Kapaskuhan.
Iniutos ni Mendoza sa mga LTO enforcers na magtuon ng pansin sa mga trucK sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Dapat gawin ang deployment ng mga tauhan para sa mga truck sa gabi at madaling araw kung kailan tinatanggal ng mga local government units (LGUs) ang truck ban at kung kailan kadalasang bumibiyahe ang mga truck.
Dapat ding tiyakin ang presensya ng LTO enforcers sa mga expressway upang suriin ang roadworthiness ng mga truck.
Kamakailan naglabas ang LTO ng dalawang show cause orders laban sa mga rehistradong may-ari at driver ng dalawang truck na sangkot sa malagim na aksidente sa Quezon City at Parañaque City.
Suspendido ang lisensya ng mga driver sa loob ng 90 araw at ang dalawang truck inilagay sa alarma.
Hinimok din ni Mendoza ang mga may-ari at operator ng truck na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan.
Ipinaliwanag ni Mendoza na ang presensya ng mga enforcer ng LTO mahalagang hakbang upang maiwasan ang aksidente sa kalsada, dahil ang mismong presensya ng sasakyan ng LTO at uniporme sapat na upang maudyok ang mga motorista na sumunod sa batas.
Sa Metro Manila, sinabi ni Mendoza na tutulong ang mga tauhan ng LTO sa mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), mga traffic units ng LGUs at sa mga tauhan ng Philippine National Police.
“Ang tungkulin natin tiyaking ligtas sila sa kanilang biyahe pauwi sa probinsya at pabalik sa normal na araw sa Enero. At magagawa ito sa pamamagitan ng mas pinaigting na presensya na makakaiwas sa aksidente sa kalsada,” dagdag niya.
Iniutos din ni Mendoza sa mga regional directors na ipagpatuloy ang surprise at random inspections sa mga passenger buses upang matiyak ang road worthiness ng mga ito.