Calendar
Mendoza sa mga magmamaneho pabalik trabaho: Ingat sa kalsada
NANAWAGAN si Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II sa mga motorista na mag-ingat sa kalsada dahil marami ang bibiyahe pabalik sa trabaho at paaralan sa pagtatapos ng holiday break ngayong weekend.
Ayon kay Mendoza, inatasan na niya ang lahat ng regional directors at mga pinuno ng iba pang opisina ng LTO na tiyakin ang presensya ng mas maraming enforcers sa kalsada upang tumulong sa pamamahala ng trapiko at pagpapatupad ng mga batas trapiko para sa kaligtasan ng publiko.
“Ang ating mga tauhan, sa pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno, nasa lansangan upang tulungan ang ating mga kababayan sa kanilang pag biyahe pabalik sa Metro Manila at iba pang urban areas sa pagtatapos ng mahabang Holiday break,” ani Mendoza.
Sa ulat ng Department of Health (DOH), mahigit 500 na aksidente sa kalsada ang naitala mula sa pagsisimula ng Christmas break at mahigit anim na tao ang kumpirmadong nasawi.
Noong nakaraang buwan, iniutos din ni Mendoza ang mas pinaigting na kampanya para sa kaligtasan sa kalsada, kabilang na ang mas agresibong operasyon laban sa mga trak na lumalabag sa mga regulasyon tulad ng overloading at paggamit ng mga sirang gulong.
Mahigit 25 na may-ari ng trak ang nabigyan na ng show cause orders dahil sa mga operasyong karaniwang isinasagawa mula gabi hanggang madaling araw sa mga regular na ruta ng trak sa Metro Manila at iba pang lugar.
“Ang ating agresibong kampanya para gawing ligtas ang lahat ng ating kalsada bahagi ng adbokasiya para sa kaligtasan sa kalsada ni DOTr Secretary Jaime Bautista, gayundin ng sariling kampanya ng ahensya na Stop Road Crash,” ani Mendoza.
Tiniyak din ni Assec Mendoza na sapat ang bilang ng mga tauhan sa mga pangunahing lansangan upang tumulong sa mga motorista sa kanilang biyahe patungo sa kanilang mga trabaho, partikular na sa Metro Manila.
Pinaalalahanan din niya ang mga motorista na tiyaking maayos ang kanilang sasakyan; ang drayber hindi dapat nasa ilalim ng impluwensya ng alak o ilegal na droga; at may sapat na pahinga bago bumiyahe.