Rider Photo: Screen grab mula Raffy Tulfo in Action Youtube

Menor, kasabyat sa holdap, pagpatay ng Move It Rider kinasuhan na

Edd Reyes Mar 23, 2026
156 Views

NASAMPAHAN na ng kasong robbery with homicide ang dalawang suspek, kabilang ang menor-de-edad na binatilyo,na nadakip ng pulisya matapos masangkot sa panghoholdap at pagpatay sa 26-anyos na motorcycle taxi rider kamakailan sa Taguig City.

Bagama’t walang pananagutang kriminal sa ilalim ng batas ang mga menor-de-edad, sinampahan pa rin ng kaso ng Taguig police ang 17-anyos na binatilyo, pati na ang kasabuwat niyang nasa hustong edad, at ipinaubaya na sa hukuman na magdetermina kung umakto na may “discernment” o may kapasidad na maunawaan ng binatilyo ang tama at mali sa kanyang ginawa.

Batay sa natanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, ang binatilyo ang nag-book at nagpahatid sa biktimang si alyas “Jayson” sa Barangay Calzada Tipas, Taguig City noong madaling araw ng Marso 11, 2026.

Pagsapit sa lugar dakong alas-3:43 ng madaling araw, naghihintay na ang kasabuwat ng binatilyo na siyang nangholdap at sumaksak sa biktima.

Nag-viral pa ang video na kuha ng CCTV sa lugar ang paika-ikang paglalakad at humihingi ng tulong ng biktima habang hawak ang dibdib at may bitbit na helmet.

Napagalaman sa live-in partner ni alyas Jayson na kahit madaling araw ay nagta-trabaho ang kinakasama upang makaipon dahil sa plano nilang pagpapakasal ngayong taon.