Calendar
Mensahe ng Escape: May mga taong gagawin ang lahat para maging malaya
Minsan sa buhay ng tao, maaaring makaramdam siya ng pagkabalisa dahil nakakulong siya sa kanyang sitwasyon.
Natural lang na naisin niyang makawala, hindi lamang sa isipan kundi sa pagiging tunay na malaya, kaya’t gagawin niya ang lahat para dito.
Gaya na lang ng karakter sa Korean movie na “Escape.”
Mula sa direksyon ni LEE Jong-pil, (Samjin Company English Class, The Sound of a Flower), ang kwento ay iikot kay Sgt. Kyu-nam (LEE Je-hoon), isang sundalo sa North Korea na malapit nang matapos sa sampung taon niyang serbisyo bilang isa sa frontline units malapit sa Demilitarized Zone.
Kapag na-discharge na siya bilang sundalo, alam ni Kyu-nam na hindi pa rin niya magagawa ang anumang gustuhin habang nakatira sa North Korea, kaya pinaghahandaan niya ang pagtakas papuntang South Korea.
Isang junior soldier na si Dong-hyuk ang makakaalam ng plano ni Kyu-nam at makikiusap na isama siya nito.
Pero nang tanggihan siya ni Kyu-nam, magtatangka siyang tumakas mag-isa pero mahuhuli siya ng mga kapwa sundalo.
Para masagip si Dong-hyuk, kailangang madaliin ni Kyu-nam ang pagtakas. Pero may isang lalaking hindi siya tatantanan.
Si Hyun-sang (Koo Kyo-hwan), isang opisyal sa North Korean State Security Bureau, ang unang nag-imbestiga ng kaso ni Dong-hyuk, at dahil kilala niya si Kyu-nam mula pagkabata, pinalabas niyang si Kyu-nam ang bayaning nakahuli kay Dong-hyuk.
Pero nang ituloy ni Kyu-nam ang pagtakas, gagawin ni Hyun-sang ang isang bagay para hindi masira ang kanyang reputasyon.
Sa kabila ng matinding habulan, mananatiling kalmado si Hyun-sang, na sobrang taliwas sa aksyon ni Kyu-nam.
Lahat ng checkpoint ay lulusutan, gagapang sa damuhan, tatakbo sa lantian, tatalunin ang bangin, lahat ay hahamakin ni Kyu-nam para makaalis ng North Korea para sa pangarap na magandang kinabukasan.
Inamin ng aktor na si Lee Je-hoon na sobrang hirap ang pagganap bilang Kyu-nam at inakala nga niyang ikamamatay niya ito dahil hirap siya sa paghinga sa katatakbo at parang bibigay na ang kanyang mga binti.
Ayon kay Direk Lee Jong-pil, pinili niya talaga si Lee Je-hoon bilang bida dahil sa kanyang “intense eyes, vivid expressions, and the seamless blend of flexibility and straightforwardness.”
Si Koo Kyo-hwan naman ang napili niya bilang Hyun-sang dahil kilala ito sa pagiging “versatile actor, always defying expectations.”
Ipakikita ng pelikulang “Escape” ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sariling desisyon o kontrol sa buhay at pagsunod sa sariling kaligayahan. Maraming manonood ang tiyak na makaka-relate sa kwentong ito.
‘Wag palampasin ang “Escape,” na palabas na sa mga sinehan ngayong Miyerkules, July 17.