yedda Tingong Rep. Yedda K. Romualdez

Mensahe ng pagkakaisa palalaganapin ng Tingog-UniTeam

561 Views

UPANG mas maipalaganap ang mensahe ng pagkakaisa, nagsanib-puwersa ang Tingog party-list at ang UniTeam nina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at vice presidential aspirant Davao City Mayor Sara Duterte.

Binigyan-diin ni House Committee on the Welfare of Children chairperson at Tingog party-list Rep. Yedda Maria Romualdez ang kahalagahan ng pagsasama-sama upang agad na maiahon ang bansa mula sa pagkakalugmok sa epekto ng pandemya.

Katuwang ni Romualdez ang mga Tingog nominee na sina Jude Acidre at actress-singer na si Karla “Mamshie” Estrada sa pagpapalaganap ng mensahe ng pagkakaisa.

Binuksan din ang Tingog-UniTeam headquarters sa San Fernando, Pampanga noong Biyernes.

Dinaluhan ito nina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, kanyang anak na si Juan Miguel Arroyo, bunsong anak ni Marcos na si Vincent at mga lokal na opisyal ng probinsya.

Pinuri ng mag-inang Arroyo ang Tingog party-list sa mga programa nito na nakatutulong sa mga mahihirap gaya ng medical at burial assistance, at cash-for-work program para sa mga nawalan ng trabaho sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Aktibo rin ang Tingog sa pagsasagawa ng feeding program bilang bahagi ng paglaban sa kagutuman at micronutrient deficiency lalo na sa mga bata.