Meralco

Meralco may bawas-presyo ngayong Oktubre

219 Views

MAY bawas sa presyo ng kuryente ang Manila Electric Company (Meralco) ngayong buwan.

Ayon sa Meralco bababa ang singil nito ng P0.0737 kada kiloWatt hour (kWh) o mula P9.9365 noong Setyembre ay magiging P9.8628.

Ang pagbaba ay katumbas umano ng P15 sa mga residential customer ng Meralco na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.

Bumaba umano ang singil dahil sa mas murang Feed-in-Tariff Allowance (FIT-All) alinsunod sa desisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) na ibaba ito sa P0.0364 mula sa P0.0983 kada kWh.

Bumaba rin ang generation charge ng P0.0201 o naging P6.9192 mula sa P6.9393 kada kWh.

May naitala ring pagbaba sa singil ng Independent Power Producers (IPPs) at Power Supply Agreements (PSA) pero tumaas naman ang transmission charges at iba pang pass-on charges.