Almazan Raymond Almazan ng Meralco bibida sa Dubai.

Meralco sasabak sa Dubai

Robert Andaya Jun 6, 2025
50 Views

INAASAHANG sasandal ang Meralco sa kanilang mga imports na sina John Egbunu, Glynn Watson at Jordon Vardano sa kanilang kampanya sa Basketball Champions League, na magsisimula ngayong Sabado sa Sheikh Saeed Bin Maktoum Sports Hall sa Dubai.

Kumpiyansa si Meralco coach Luigi Trillo na makatutulong ang tatlong imports, bagamat tanging sina Watson at Vardano ang nagkaroon ng pagkakataon na makapag-ensayo kasama ang team sa Manila.

Ang 6-11 Nigerian na si Egbunu ay nakasama ng team pagdating nila sa Dubai.

Gayunman, ang 30-year-old na University of Florida product na si Egbunu ay inaasahang magpapasiklab sa gagawing pakikipagtuos ng Meralco laban sa host team Shabab Al Ahli sa opening day.

Ang Red Knights, na naglalaro sa West Asia Super League, ay nagtapos na runner up sa 2024 edition.

Bukod sa tatlong imports, kabilang din sa Meralco line-up sina Raymond Almazan, Cliff Hodge, Bong Quinto, Aaron Black, Chris Banchero, Norbert Torres, Alvin Pasaol, rookie CJ Cansino, at Gilas Pilipinas guard Chris Newsome.

Ang Meralco ay kasama ng Shabab Al Ahli at reigning B. League champion Utsunomiya Brex sa Group B  Haharapin din ng Meralco ang Utsunomiya sa Linggo.

Unang sumabak ang Meralco sa nasabing kumpetisyon nung 2018, na kung saan tumapos na fourth matapos mabigo sa kanilang bronze medal match laban sa Seoul SK Knights ng Korean Basketball League (KBL).