Calendar
Mga Aguilar sabay-sabay naghain ng kandidatura
MAGKAKASABAY na naghain ng kani-kanilang kandidatura sina Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar, April Aguilar, at Alelee Aguilar Lunes ng umaga sa local Comelec Office.
Tatakbo bilang alkalde si Vice Mayor April Aguilar at magiging bise niya ang inang si Mayor Mel habang sasabak naman sa unang pagkakataon sa larangan ng pulitika bilang konsehal ng unang distrito si Alelee.
“Sa mga makaraang taon, malaki ang pagbabago sa ating lungsod. Mula ss pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng Greece Card program hanggang sa pagtatayo ng bagong College of Engineering ng Dr. Filemon C. Aguilar Memorial College, kasama niyo kaming magpapatuloy sa pagsulong ng mga programang ito para sa mas progresibong Las Piñas,” pahayag ni Mayor Mel.
Kumpiyansa naman si Vice Mayor April sa kanyang kakayanang pamunuan ang lungsod lalu na’t nakita na aniya niya ang hamon at pangangailangan ng kanilang komunidad.
“Ang aking layunin ay palakasin pa ang mga programa sa edukasyon, kalusugan, at kaligtasan. Magpapatuloy tayo sa pakikipagtulungan sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan upang tugunan ang problema sa trapiko at lagbaha sa ating lungsod,” dagdag pa niya.
Sinabi naman ni Alelee na bilang isang Aguilar, magtatrabaho siya para sa ikabubuti ng lungsod lalu’t nakikita niya ang pangangailangan ng mga kabataan at mga pamilyang nangangailangan ng trabaho at edukasyon.
Naging bantog ang pamilya Aguilar bunga ng pagtupad nila sa pangakong makapagbigay ng wastong serbisyo pata sa kapakanan ng mga residente ng lungsod na nakatuon sa kalusugan, edukasyon, at imprastraktura na pakikinabangan ng mamamayan hanggang sa hinaharap na henerasyon.