BBM1

Mga ahensiya ng gobyerno inatasang magpatupad ng GEMP

Chona Yu Jan 22, 2024
126 Views

INATASAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan na magpatupad ng Government Energy Management Program (GEMP) na nagsusulong ng praktikal na pagkonsumo ng enerhiya.

Batay sa Administrative Order Number 15, inaatasan ang lahat ng national government agencies kabilang ang government owned and controlled corporations (GOCC) na magdoble kayod sa pagpapatupad ng mga solusyong binuo ng GEMO at Inter-Agency Energy Efficient and Conservation Committee.

Kabilang dito ang pagsasagawa ng energy audits at random energy spot checks mula sa certified energy auditors.

Pinagsusumite rin ang mga ahensiya ng pamahalaan ng imbentaryo ng mga kagamitang kumukusumo ng enerhiya tulad ng mga ilaw sa mga gusali at kalsada, heating, ventilation at airconditioning, insulation at mga sasakyan.

Pinatitiyak din ni Pangulong Marcos ang pagsunod sa mga panuntunan ng Department of Energy at pag-adopt sa low cost energy efficient measures tulad ng pagpapanatili sa 24 degrees celsius na temperatura ng airconditioned units, pagpatay sa mga hindi ginagamit na ilaw, at pag activate ng sleep settings sa mga kagamitan sa mga opisina.

Kasama sa kautusan ni Pangulong Marcos sa mga ahensiya at tanggapan ng gobyerno na magtalaga ng taong magbabantay ng kunsumo nila sa enerhiya at magri-report sa DOE sa pamamagitan ng online.

Inatasan din nI Pangulong Marcos ang DOE na makipag-tulungan sa Presidential Communications Office upang maipalaganap sa mga tanggapan ng gobyerno at sa publiko ang mga hakbang sa praktikal na paggamit ng enerhiya.