Frasco1 Si DOT Secretary Christina Garcia Frasco habang nagbibigay pahayag sa pagkilala ng Australia sa Pilipinas bilang isang idyllic at abot-kayang tropical destination.

Mga Australiano mas gusto PH dahil idyllic, abot-kayang destinasyon

Jon-jon Reyes Sep 23, 2024
114 Views

NATUTUWA ang Department of Tourism (DOT) sa pagkilala ng Australia sa Pilipinas bilang isang idyllic at abot-kayang tropikal na destinasyon dahil sa mga natural landscapes at cultural heritage.

Sa artikulo mula sa news.com.au na-highlight kung paano lumilipat ang mga Australiano sa Pilipinas dahil sa pagtaas ng mga gastos sa ibang sikat na destinasyon sa Southeast Asia.

Ayon sa bagong datos mula sa Australian Bureau of Statistics, ang mga bisita ng Australia sa Pilipinas tumaas mula 112,500 noong 2022 hanggang 233,170 noong 2023.

Ipinahayag ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco ang kanyang pananabik sa pagtaas ng interes ng mga turistang Australian sa Pilipinas.

Ipinapakita ng DOT data na mga Australians ang nasa ika-5 sa mga turistang dumating sa bansa noong 2023.

Binigyang-diin ng artikulo sa news.com.au ang magkakaibang hanay ng mga karanasang makukuha sa Pilipinas, mula sa pagtuklas sa malinaw na tubig ng Bacuit Archipelago ng Palawan at pagpapahinga sa mga puting buhangin na dalampasigan ng Boracay.

“Patuloy naming pinapahusay ang aming mga handog sa turismo at imprastraktura habang binibigyang-prayoridad ang mga napapanatiling kasanayan sa paglalakbay.

Ang aming pangako para matiyak na ang Pilipinas mananatiling isang magandang destinasyon para sa mga susunod na henerasyon.

Mainit naming inaanyayahan ang mga Australyano na tuklasin hindi lamang ang aming mga malinis na dalampasigan kundi pati na rin ang masiglang kultura ng aming bansa,” dagdag ni Secretary Frasco.

Malaki ang papel ng mga murang airline sa paggawa ng Pilipinas na mas madaling mapuntahan ng mga bisitang Australian.

Noong 2023 lamang, ang Cebu Pacific nagdala ng mahigit 100,000 pasahero mula Melbourne at Sydney patungong Manila.

Ang Pilipinas nakakabighani sa kanyang malinis na tanawin, tulad ng mga nakatagong kayamanan ng Coron at ang limestone cliff ng El Nido.

Ang surfing paradise ng Siargao at ang maraming dive destination sa buong kapuluan higit na nagpapahusay sa apela nito para sa mga naghahanap ng pakikipagsapalaran at mga mahihilig sa pagpapahinga.

Sa pamamagitan ng mga direktang flight mula Sydney, Melbourne, Brisbane, at Perth papuntang Manila na inaalok ng Qantas, Philippine Airlines, at Cebu Pacific, madaling ma-access ng mga Australian traveller ang Pilipinas, ayon sa kalihim.