Dy

Mga babaeng mambabatas nanguna sa session sa pagdiriwang ng Women’s Month

Mar Rodriguez Mar 11, 2026
124 Views

IPINAHAYAG ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na bilang pakikiisa ng Kongreso sa National Women’s Month, nagsagawa ang Kamara de Representantes ng “Women’s Month Plenary session” noong Marso 9.

Sinabi ni Dy na mga babaeng mambabatas ang namuno sa mga pagdinig at pagpapadaloy ng talakayan tungkol sa mga isyung nakakaapekto sa mga kababaihan, pagkakapantay-pantay ng kasarian at national development.

“Ang sesyong para sa Women’s Month ay sumasailalim sa aming pagkilala sa mahalagang papel ng mga kababaihan sa pagbubuo ng mga batas, pagpapatatag ng institusyon at pagpapaunlad ng ating batas,” pahayag ng House Speaker.

Ipinahayag naman ni House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos na ang taunang tradisyon ay ang pagpupugay sa mahalagang papel ng mga kababaihan sa pamamagitan ng pagbubuo ng isang maayos na lipunan at serbisyo publiko.

Ang mga babaeng kongresista ang nanguna sa pagpapatakbo ng Plenary session at nagbigay ng kanilang privilege speech na nakatuon sa karapatan ng kababaihan, katarungang pangkasarian at pati narin ang isyu sa pagpapaunlad ng lipunan.

Sina House Deputy Speaker at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin at Pangasinan Rep. Georgina “Manay Gina” P. De Venecia, Bulacan Rep. Linabelle R. Villarica at iba pang lady solons ang nagsilbing presiding officer ng isasagawang House Plenary session.

Nagbigay naman ng mensahe si Speaker Dy para sa mamamayang Pilipino sa gitna ng tumitinding tensiyon sa Gitnang Silangan na bagama’t malayo sa Pilipinas ay posibleng maramdaman ang epekto nito sa Pilipinas.