Velasco1 House Secretary-General Reginald “Reggie” S. Velasco

Mga batikang pribadong abugado katuwang ng House prosecution team sa impeachment trial

15 Views

TINUTULUNGAN ng mga batikang pribadong abugado na naniniwala sa due process at rule of law ang House prosecution team upang mas mapalakas pa ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay House Secretary-General Reginald “Reggie” S. Velasco.

“Ang mga volunteer lawyers na tumutulong sa House impeachment team ay hindi basta ginagabayan ng galit, gaya ng sinasabi ng ilan. Bagkus, sila ay nakatuon sa adhikain ng hustisya at paglilingkod sa bayan,” ani Velasco.

Ayon sa kanya, ang mga abugadong ito ay mayroong mahahalagang kaalaman na kanilang maibabahagi sa pagpapatibay ng kaso ng impeachment na inihain ng Kamara sa Senado.

“Marami sa kanila ay may malawak na karanasan sa pagtatrabaho kasama ang mga pampublikong piskal at may malalim na pang-unawa sa batas. Ang kanilang pakikilahok ay patunay ng kanilang dedikasyon sa pagpapalaganap ng pananagutan at rule of law,” dagdag niya.

Pinabulaanan naman ni Velasco ang mga ulat na nagsasabing kumuha ang House ng isang partikular na law firm para tulungan ang prosecution team.

“Taliwas sa ilang ulat, ang DivinaLaw ay hindi kabilang sa mga pribadong abogado na kinuha ng House,” binigyang-diin niya.

“Ang legal team na tumutulong sa ating impeachment prosecutors ay binubuo ng mga batikang propesyonal na nakatuon sa pagsigurong nasusunod ang due process.”

Muling iginiit ni Velasco ang pangako ng Kamara sa pagkakaroon ng transparency, due process, at accountability, at binibigyang-diin na ang impeachment trial ay dapat pangunahan ng mga prinsipyo ng batas at hindi ng political narrative.

“Pinapahalagahan namin ang hindi matitinag na suporta ng mga legal expert at ng mas malawak na publiko habang ginagampanan namin ang aming konstitusyunal na tungkulin,” ani Velasco.

Ang pahayag na ito ay inilabas isang araw matapos inspeksyunin ni Velasco ang mga pasilidad sa Senado na inilaan para sa House prosecution panel bilang paghahanda sa paglilitis.

Sa kanyang pagbisita, kasama ng kanyang grupo, inikot nila ang session hall ng Senado, kung saan isasagawa ang paglilitis, at ang Sen. Arturo M. Tolentino Room, na itinalaga bilang opisina ng prosecution team.

Nagpahayag ng pasasalamat si Velasco kay Senate President Francis “Chiz” Escudero at sa liderato ng Senado sa pagpapadali ng mga logistical na paghahanda ng House, na aniya ay nagpapakita ng matibay na dedikasyon upang matiyak ang maayos at makatarungang impeachment trial.

“Kapuri-puri ang propesyonalismo at dedikasyon ng liderato at kawani ng Senado, at pinahahalagahan namin sa House of Representatives ang diwa ng kooperasyon sa pagitan ng dalawang kapulungan sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino,” sabi ni Velasco.

Pinuri rin ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez si Escudero at ang Senado sa kanilang pakikipagtulungan, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng inter-chamber collaboration.

Sa pagsisimula ng paglilitis sa Hunyo, nananatiling kumpiyansa ang liderato ng Kamara na ang proseso ay maisasagawa nang may patas na pagdinig, alinsunod sa mga prinsipyo ng batas at pagsunod sa due process.