BBM3 Kasama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Philippine business leaders na sina Joey Concepcion, Michael Tan at mga miyembro ng Asean Business and Investment Summit sa Landmark Hotel Riverside sa Lao PDR, October 9, 2024. Kuha ni. Revoli S. Cortez/PPA POOL

Mga dayuhang mamumuhunan inimbitahan ni PBBM na mag-negosyo sa Pilipinas

Chona Yu Oct 10, 2024
54 Views

VIENTIANE — Personal na inimbitahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga dayuhang mamumuhunan na tuklasin ang mga oportunidad sa Pilipinas na sumasaklaw sa iba’t ibang industriya.

Sa kanyang talumpati sa Association of Southeast Asian Nations Business and Investment Summit (ABIS) 2024 sa Vientiane, Lao Peoples’ Democratic Republic, ibinida ni Pangulong Marcos ang Pilipinas bilang isang ideal hub para sa smart at sustainable manufacturing.

Binigyang-diin ni Pangulong Msrcos na ang Pilipinas ay nagsusulong ng masiglang pag-unlad sa imprastruktura, manufacturing, agrikultura, at digital connectivity.

Bilang suporta sa mga layuning ito, sinabi ng Pangulo na nagpasa ang pamahalaan ng mahahalagang reporma gaya ng Public-Private Partnership (PPP) Code, Internet Transactions Act, at Executive Order No. 18 series of 2023.

Aniya, isinusulong din ang pagpasa ng iba pang mahalagang batas tulad ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy, o CREATE MORE Act, na nakabatay sa CREATE Act of 2021 upang higit pang palakasin ang mga insentibo para sa mga istratehikong industriya.

Binigyang-diin ng Chief Executive na ang manufacturing sector ng Pilipinas ay patuloy na yumayabong sa kabila ng mga pandaigdigang hamon, na binanggit ang mga indikasyon tulad ng patuloy na paglago ng Purchasing Managers’ Index at nagpapatunay daw na sa matibay na pundasyon, maaaring magtagumpay ang mga industriya kahit sa mga hindi tiyak na panahon.

Maliban dito, binanggit din ni Pangulong Msrcos ang industriya ng kemikal bilang isa sa pinakamalaking sub-sector sa manufacturing industry, isang pangunahing haligi na sumusuporta sa iba’t ibang sektor tulad ng agrikultura, automotive, semento, creative, konstruksyon, enerhiya, kalusugan, at
pharmaceutical

Maganda na rin aniya ang flooding control program pati na ang National ID program na magbibigay daan sa pagpapadali sa patukoy sa mga benepisyaryo ng ayuda ng gobyerno.