Calendar
Mga ex-sundalo na nagpahayag ng suporta kay BBM hinangaan
PINAPURIHAN ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang malaking grupo ng mga retiradong sundalo matapos nilang ipahayag ang pananatili ng kanilang suporta para kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.
Sinabi ni Valeriano na kahanga-hanga ang ipinamalas na pagkilos ng apat na malalaking grupo ng mga retiradong sundalo para tiyakin kay House Speaker Martin G. Romualdez ang kanilang suporta sa administrasyong Marcos, Jr. taliwas sa mga kumakalat na alingasngas sa social media.
Ipinaliwanag ni Valeriano na ipinakita lamang ng mga retiradong sundalo mula sa Philippine Military Academy Alumni Association (PMAAAI), Association of Generals and Flag Officers (AGFO) at Philippine Military Academy Retirees Association Inc. (PMARAI) at iba pa ang kanilang pagiging professional.
Ayon sa kongresista, mas pinili at nanaig sa mga retiradong sundalo ang kapakanan ng mamamayang Pilipino sa halip na makisawsaw sa mga intriga sa social media sa pamamagitan ng kumakalat na alingasngas patungkol sa di-umano’y pagpapatalsok sa administrasyong Marcos, Jr.
Nakipagpulong ang nasabing grupo ng mga retiradong sundalo kay Speaker Martin G. Romualdez para tiyakin ang kanilang suporta kay Pangulong Marcos, Jr. kasunod ng pagpapabulaanan sa kumakalat na chismis sa social media na ang PMA alumni ay sumusuporta sa destabilisasyon laban sa pamahalaan.
Binigyang diin naman ni Manila 1st Dist. Cong. Ernesto “Ernix” M. Dionisio, Jr. na bagama’t mga retirado na. Isinaalang-alang parin ng mga beteranong sundalo ang kanilang professionalism sapagkat ang iniisip nila ay ang kapakanan ng mamamayang Pilipino at ang katahimikan ng bansa.
Ayon kay Dionisio, anoman ang problemang kinakaharap ng Pilipinas. Hindi umano ito mare-resolba sa pamamagitan ng paglulunsad ng destalibilisasyon laban sa pamahalaan. Totoo man o hindi aniya ang mga kumakalat sa social media sapagkay ang mamamayan parin ang lalabas na talo.