Magi

Mga ‘functionally illiterate’ kailangan

28 Views

“Ang mga tao ay ipinanganak na mangmang, hindibobo.

Ginagawa silang ungas ng edukasyon.”-Bertrand Russell

HINDI na bago sa ating pandinig ang negatibong resulta ng sari-saring pag-aaral sa kalidad ng edukasyon ng bansa mula sa kauna-unahang 1925 Monroe Report, at mga sumunod na ulat dito, hanggang sa 2018 at 2022 Program for International Student Assessment, 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics , at ang pinakabagong 2024 Functional Literacy, Education, Mass Media Survey na tinatampok na 18 milyon gradweyt ng Senior High School ay “functionally illiterate”.

Pinagtitibay ng mga pagsusuri ang maliwanag napangungusap sa Monroe Report na ang ugat ng problema saedukasyon ng Pilipinas ay nagmumula sa paggamit ng banyagang wika (English) bilang wikang pangturo sa elementarya. Subalit imbes na yakapin ang mungkahi ni Monroe, si Quezon at mga alipores niya ay tinuligsa ang Amerikanong nagmamagandang loob sa mga Pilipino at iginiit na matatas sa English ang mga maliliit na kayumangging kapatid ni Taft. Ang kahambugan na Inglisero ang mga pangong Pilipino na dinudugo ang ilong ay isang daan taon ng nananatiling saloobin ng ating lipunan na tinatatwa ang reyalidad na kapansanan ang English bilang wikang panturo kaya’t walang imik ang hanay ng mga bata, magulang at titser.

Sabi sa Latin, “Acta, non verbo” ( Gawa, hindi salita). Hanggat hindi natin tutularan ang ginawa ng Hapones na nagbuhos ng sapat na pondo sa sektor ng edukasyon sa loob ng 20 taon mula 1945 kaya’t nakabangon sila sa abo ng pagkatalo sa WW2 at nananatiling mayamang bansa magpasahanggang ngayon, walang kahihinatnan ang mga papogi ng mga politiko at ingay ng kanyang koro na humihingi ng reporma sa edukasyon.

Walang saysay ang boses ng ilang akademikong biglang lumabas sa lungga upang sumali sa koro ng konduktor na naglansag ng Mother Tongue Based Multi-Lingual Education ng RA 10533. Ang himig ng korong ito (ilan sa kanila ay may PhD) ay habaan pa ang oras ng pagbabad ng bata sa English. Sabi ngani Richard Feynman, “Huwag pagkamalan na ang titulo saedukasyon ay senyas ng katalinuhan. Maaari kang may PhD saedukasyon, ngunit nananatiling ungas. “

Ang himig ng koro ay sintunado at taliwas sa mga rekomendasyon nila Monroe at mga dalubhasang edukador at linguwistiko, mga desisyon ng Korte Suprema ng Amerika saMeyer v Nebraska at Lau v Nichols, at mga tratadong pangdaigdigan na kinikilalang mabisa ang unang wika ng batasa pagiging makubuluhan ang edukasyon niya sa paaralan.

Nasanay na ang mga bata at kanilang mga magulang namabuhay sa mahinang uri ng sistema ng edukasyon. Basta may Senior High School diploma, puede ng mag-aplay na kahera, dyanitor, drayber,kargador , bodegero at iba pa. Mababang karote ang manpower agency na hari ng kontrata ng endo, mgaahensya ng Security Guards, mga medical clinic na nagbibigayng sertipiko na “fit to work” kung walang matatag na suplay ng “functionally illiterate”.

Ang mga LGU ay hindi magkakaroon ng hukbo ng mga“functionally illiterate” na kaswal at “job-order” na mgaempleyadong bihag ang boto ng mga dinastiyang politikal.

Wala ng functionally illiterate na tatanggap ng AKAP,AICS, TUPAD at 4Ps.

Wala ng functionally illiterate na botante na papalakpak at maglulundagan sa tuwa sa mga pag-awit, pagsasayaw, at walang kabuluhang biro ng mga kandidato ng mga dinastiyang politika.

Mawawalan ng hanapbuhay ang mga taga-Recto na kailangan gumawa ng papeles upang makapag abroad ang mga “functionally illiterate” at pumasok sa mga trabahong marumi, mapanganib at
domestikong trabaho. Walang dollar remittances ang pamilya nila na gagamitin sa consumer economy ng Pilipinas.

Kung walang functionally illiterate, mauubusan ng biktima ang mga scammer at ang mga kulto ay hindi magkakaroon ng mga bagong rekrut. Ang mga sindikato ng krimen ay hindi magkakaroon ng mga tauhan.

Kailangan ang mga functionally illiterate ng maraming mababang karoteng negosyo, magugutom na pamilya ng scammers at poon ng kulto, magugulpi at magagahasa ng mga abusadong amo sa ibang bansa, at mawawala sa poder ang mga dinastiyang politikal. Ni Magi Gunigundo