Dy

MGA Insidente ng pagnanakaw sa NAIA ikinabahala ni Rep. Dy

Mar Rodriguez Mar 6, 2023
280 Views

NAGPAHAYAG ng pagkabahala nitong Martes ang isang Northern Luzon na kongresista kaugnay sa magkakahiwalay na insidente ng krimen na naganap sa Ninoy Aquino International Aiport (NAIA) na kinasasangkutan pa mismo ng mga “security personnel” ng nasabing paliparan laban sa mga dayuhang bumibista sa Pilipinas.

Binigyang diin ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Congressman Faustino “Inno” A. Dy V na malaki ang magiging epekto sa Philippine tourism ang nakakahiyang pangyayari sa NAIA. Sapagkat tiyak na itataboy nito ang mga dayuhang turista sa halip na makapang-akit.

Dahil dito, hinamon ni Dy ang pamunuan o NAIA management upang mabilis na aksiyunan at magasagawa ng konkretong hakbang para papanagutin ang mga security personnel ng naturang paliparan na sangkot sa pagnanakaw ng relos ng isang Chinese passenger sa isang “security screening checkpoint”.

Ang naging pahayag ni Dy ay kaugnay sa insidenteng naganap noong nakaraang Marso 1. Kung saan, nagahip ng Closed-Circuit Television (CCTV) footage ang isang “security screening officer” (SSO) na sadyang kinuha ang relos ng isang Chinese passenger habang ito’y nakapila sa security sreening checkpoint.

“Nakaka-alarma po ang mga pangyayari. And this is deeply embarassing. We urge those tasked with managing the NAIA to take concrete action to check these incidents. Madadale po ang tourism prospects natin kapag hinayaan nating manaig ang ganitong sistema,” paliwanag ni Dy.

Sinabi naman ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na kailangang kumilos agad ang pamunuan ng NAIA laban sa mga SSO na sangkot sa nasabing insidente dahil mahalagang maipakita ng NAIA management na hindi nila kinokonsinte ang mga ganitong klase ng katiwalian.

Ipinaliwanag ni Madrona na ang hindi nalalaman ng pamunuan ng NAIA ay ang katotohanan na ang maaapektuhan ng kabuktutan ng kanilang mga tauhan ay ang turismo ng bansa. Sa kabila ng ginagawang pagsisikap ng pamahalaan na muling pasiglahin ang Philippine tourism.

Ayon kay Madrona, kung magpapatuloy aniya ang ganitong masamang gawain sa NAIA. Masasayang lamang umano ang mga ginagawang pagsisikap ng Department of Tourism (DOT) upang mapaganda at mapasigla ang turismo ng bansa. Sapagkat itataboy lamang palabas ng Pilipinas ng insidenteng ito sa NAIA ang mga dayuhang nagnanais bumisita sa bansa.

Binigyang diin pa ni Madrona na sa halip na maengganyo ay lalong madidismaya ang mga dayuhang turista na magpunta ng Pilipinas. Sapagkat sinong dayuhan aniya ang mahihikayat na magpunta ng Pilipinas kung sa loob pa lamang ng airport ay nakakaranas na sila ng hindi maganda.