Teofimar Renacimiiento

Mga kabutihang nagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos

1520 Views

KUNG papakinggan natin sina Leni Robredo at Kiko Pangilinan, mga sinungaling na kandidato sa pagkapangulo at pangalawang pangulo ng Pilipinas, tila napakasamang pangulo si Ferdinand Edralin Marcos, ang yumaong ama ni dating Senador Bongbong Marcos (BBM). Tulad ni Robredo, si BBM ay tumatakbong pangulo sa darating na halalan sa Mayo 2022.

Ang pinapalabas ng tambalang Robredo-Pangilinan sa kanilang pagkakampanya ay babalik ang rehimeng Marcos kapag nahalal bilang pangulo si BBM. Kapag masama daw ang ama, masama rin daw ang anak.

Kalokohan ang bintang nina Robredo at Pangilinan laban sa mag-amang Marcos. Maraming kabutihang ginawa si Pangulong Marcos nuong siya pa ang nasa Malacañang.

Halimbawa nito ay ang maraming mga highway, tulay at flyover na pinagawa ni Marcos sa buong Pilipinas nuong siya ang pangulo.

Sa Metro Manila, nandiyan ang mga pagbabago sa EDSA, tulad ng extension ng EDSA mula Taft Avenue hanggang sa Roxas Boulevard, at ang mga flyover sa EDSA-Magallanes, EDSA-Shaw Boulevard, EDSA-Aurora Boulevard at EDSA-Balintawak.

Si Pangulong Marcos din ang nagpagawa ng North Luzon Expressway (NLEX); South Luzon Expressway (SLEX); Marcos Highway (patungong Baguio); Manila-Cavite Coastal Road; Manila South Road (kasalukuyang ginagamit patungo sa Cavite, Tagaytay at Batangas); Gilmore Avenue Extension sa Quezon City (nagdugtong ng Gilmore Avenue sa Ortigas Avenue; Nagtahan Extension (nagdugtong ng Nagtahan Bridge sa Plaza Dilao sa Paco); Buendia Avenue Extension sa Makati (nagdugtong ng Buendia Avenue sa Roxas Boulevard); at R-6 o Marcos Highway (nagdugtong ng Aurora Boulevard sa Sumulong Highway sa Marikina, na dumadaan sa SM Marikina); Marikina-Infanta Express Highway; atbp.

Ilan sa mga malaking tulay at flyover na pinagawa ni Pangulong Marcos ay ang Guadalupe Bridge sa EDSA; Nagtahan Bridge (na dati ay makitid at yari sa kahoy at bakal lang); San Juanico Bridge sa Leyte-Samar; Mandaue-Opon Bridge sa Cebu; Lagusnilad Underpass sa tabi ng Manila City Hall; Lacson Underpass sa Quiapo; Quezon Avenue-Recto Avenue Underpass; atbp.

Si Pangulong Marcos din ang nagpagawa ng Light Rail Transit na tumatakbo mula sa Taft Avenue sa Pasay, tuloy ng Rizal Avenue sa Maynila, hanggang Monumento sa Caloocan. Nagpagawa rin siya ng bus line ng Philippine National Railways, at ng Metro Manila Transit Corporation na siyang naglabas ng maraming “Love Bus” o mga air-conditioned na bus na napakinabangan ng lipunang Pilipino.

Dahil sa mga nasabing mga highway at pampublikong sakayan, mabilis at ligtas ang paglakbay sa kabisera ng Pilipinas at sa iba-ibang panig ng bansa.

Sa larangan ng pampublikong pagamutan, pinagawa ni Pangulong Marcos ang annex building ng Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila, at ang Heart Center, Lung Center, Kidney Center at Children’s Hospital sa Quezon City. Kung hindi pinagawa ni Marcos ang nasabing mga pagamutan, tiyak na maraming mamamayang Pilipino ang nasawi nitong pandemya ng COVID-19.

Pinagawa rin ni Pangulong Marcos ang Pantabangan Dam sa Nueva Ecija; Magat Dam sa Cagayan; at Angat Dam sa Bulacan. Dahil sa mga proyektong ito, sumagana ang agrikultura sa Pilipinas nuong panahon ni Marcos. Marami rin siyang proyektong pantubig sa Visayas at sa Mindanao.

Sa dako ng sining, ang pamahalaang Marcos ang nagtayo ng Cultural Center of the Philippines at Folk Arts Theatre sa Pasay; ng National Arts Center sa Makiling, Laguna; at ng Central Bank Museum sa Maynila.

Yung Manila Metropolitan Theatre sa Liwasang Bonifacio na nagsimula pa nuong 1931, at napabayaan ng mga nakaraang mga pamahalaan, ipinaayos at ipinaganda muli ng pamahalaang Marcos ng taong 1978. Pinabayaan ni Corazon Aquino mabulok muli ang nasabing tanghalan nang siya ang pangulo.

Tuwing linggo ng hapon, may libreng “Concert at the Park” sa Luneta. Duon maaaring makinig ang mga namamasyal sa mga obrang itinutugtog ng Metro Manila Symphony Orchestra.

Nuong hindi pa pangulo si Marcos, dukha at hindi kinikilala ang karamihan ng mga alagad ng sining sa Pilipinas. Namamatay na lang sila na mga halos pulubi.

Sa ilalim ni Marcos, naitatag ang karangalang “national artist” upang iahon sa kahirapan ang mga Pilipinong alagad ng sining. Hanggang sa kasalukuyan, maraming mga alagad ng sining ang nakikinabang sa mga biyaya sa pagiging “national artist.” Nakakalungkot lang dahil maraming mga komunistang naging “national artist” at kasalukuyang maraming masamang sinasabi laban sa mag-amang Marcos.